Blind item muna tayo. May nasagap lang akong mga kwento habang nasa isang maboteng usapan hehe...
Sino itong alumni ng Saint Michael Parochial School na pwede daw i-consider sa Top 5 All-Time students pagdating sa kalokohan? Ang initial nya ay... ay wag na pala yung initial.
Isa sa mga exploits nya ay nung isang araw na nag flag ceremony ang school. Imbis na bumaba sa quadrangle, nagtago siya, kasama ang isang barkada, sa loob ng classroom nila. Mukhang di pa siguro nag-aagahan, binuksan ang mga bag ng mga kaklase at hinanap ang mga baong maluto, lalo na nung mga kaklaseng nakatira sa malalayong lugar. Masarap daw kasi ang mga baon nila, mga manok at karne. Kinain nilang dalawa ang supposed to be ay tanghalian ng iba. Pagdating ng tanghali, umiiyak ang mga kaklaseng walang kakainin, nagsumbong sa teacher subalit hindi nalaman kung sino ang salarin.
Hindi lang sya patagong kalokohan, pasimple din. Isang araw naman na vacant ang class nila, nagtuturo sa kabilang room si Mrs. Medina (RIP). Nagsusulat ito sa blackboard at lagi siyang may tatlong tuldok sa hulihan ng kanyang sinusulat. Since manipis na plywood divider lang ang pagitan ng bawat classrooms sa SMPS, ginagaya ni istudyente ang tatlong tuldok na ito. Pagtuldok ni Mrs. Medina, tatlong katok ang isasagot ni istudyante mula sa kabila. Nakapansin na si Mrs. Medina at sumigaw kung sino daw ba yung kumakatok sa kabila. Ang ginawa ni istudyante, inuga ng malakas ang divider. Pumunta sa kabilang kwarto si Mrs. Medina at galit na galit na tinanong ang klase kung sino yung kumakatok. Walang sumagot.
"Ahhh, walang aamin ha, sige lahat kayo..." banta ni Mrs. Medina, balak parusahan ang buong klase pero bago pa nya matapos ang sasabihin, halos sabay sabay itinuro ng buong klase ang magaling nilang kaklase. Ayun, hila hila ni Mrs. Medina sa patilya papuntang Principal's office.
Kung may pasimpleng banat ang magaling nating istudyanteng ito, may harap-harapan din siyang banat. Isang araw daw, sinabihan ang isang madre ng "Sister, naka supporter ka ba? Bakat kasi ang supporter mo."
"Punye*&%$#@#!!! bata ito, napakabastos mo talaga" ang tanging naisagot ni Sister, napamura pa tuloy.
Moral of the story? Ewan ko kung may moral haha Nakakatawa lang kasi alalahanin pero syempre, hindi magandang asal yan at nakatatak na sa iyo ang mga kalokohang ginagawa mo hanggang sa iyong pagtanda. Kung minamalas-malas ka pa, mababasa mo pa sa blog ang pangalan mo at ang mga ginawa mo.
Sino siya?