Saturday, September 29, 2007

live blogging the 2007 st. michael fiesta

kagaya ng ginagawa ni MLQ3 sa Senate hearing ng ZTE-NBN deal, eto ang version ko ng live blogging ng fiesta natin...


7:30 am : Umuulan pa din. Brownout pa. Nagising ako na masakit pa ang ulo dahil sa hang-over na ininom kagabi. SanMig Light syempre, Fiesta eh hehe next time na lang ulit ang Generoso at Gran Matador. Kahapon, maghapon na umulan lalo na nung gabi. Hindi ko alam kung may palabas sa plaza kagabi kasi nung pagdaan ko, wala namang tao dahil sa lakas ng ulan. Sabi nila may Miss Gay daw pero wala naman. Sayang este--- May parade nga pala ang mga Ganda Lola contestants kahapon ng tanghali nuong di pa umuulan subalit di ko nakuhanan ng video dahil ang bilis ng andar ng mga floats na sinasabkyan nila. Nagmamadali siguro kasi magluluto pa ng mga handa nila sa Fiesta hehehe


8:43 am : Umuulan pa din, brownout pa. May naririnig akong drums and buggle sa labas pero di ko naman mapuntahan at panuorin dahil malakas nga ang ulan. Wala kaming bisita dahil wala kaming handa nyuknyuknyuk... Asan kaya si Batgurl? Malamang lasing na ng ganitong oras yun.


10:15 am : Umuulan pa din. Wala pa ding kuryente. Ho-hummm... makatulog nga ulit.


11:00 am to 12:00 pm : May kuryente na yahoooweeee! Pero umuulan pa din. May mga taong namimiyesta na sa labas, pakonti-konti. Nawala na ang banda at drums and buggle. Umuulan pa din. Haaaaaayyyyy...


1:25 pm : Tila na ng konti ang ulan. Tapusin ko na muna ang walang wentang live blogging na ito ahuuuu... Time na para lumabas ng bahay at makisalamuha sa mga lasing sa labas. Oras ng mamantikaan ang nguso. "Autobots, transform and roll out..."


3:00 pm : Naglalakad-lakad sa bayan, may mga tao naman pero di kasing dami ng mga nakaraang taon. Hindi ata namiyesta ang mga tagabaryo dahil ang mga nakita ko ay parang mga aling sa ibang bayan. May kanya-kanyang bisita ang bawat bahayan. Kokonti na lang yung namimiyesta na makikikain sa hindi kakilalang bahay. Napansin ko din na hindi rin nag-aaya ng kain ang may-ari ng bahay sa mga nagdadaang tao na di nila kakilala. Madami ng lasing sa kalsada, mga nakangiti, solve na ata hehehe Di na nahagilap si Batgurl, nawawala na.


3:20 pm: Nakita ko ang kapatid ko sa ibang babae ng tatay ko. Pangalawang beses ko pa lang siyang nakikita, unang beses 3 years ago. Hindi ko kilala yung bata nung pinakilala sa akin ng Tiyo ko, nagtataka pa nga ako kung sino yung bata na pina-kiss pa sa akin. Later ko lang naisip na yun ata yung kapatid ko daw. Cute sya, girl, around 6 years old. Wala lang. Ano bang dapat na reaksyon dun?


5:30 pm : Nakahanap na ako ng mga makakainuman, may binyagan kasi at tinawag ako para maki-join. Kaso dalawa lang ang kakilala ko, ang iba ay mga taga Pampanga at taga Pasig. Nagvi-videoke. Dahil hindi ako mahilig sa videoke,tumakas ako sa inuman pagkatapos ng dalawang bote.


5:45 pm : Yes, this is more like it. Mga chikababes na ang kaharap ko nyuk-nyuk-nyuk. Kaso hard ang iniinom at ang babe na taga-Pasig, ang kulit, ang taas ng tagay ahuhuhuhu... Nagkakabuhusan pa ng brandy. Mamaya daw, may Musical Jamboree sa plaza. Manunuod daw kami. Sana mamaya, diretso pa ang lakad ko.


9:00 pm : Nasa bahay na ako. Di pa naman lashing (hic!). Hindi na nakanood ng Jamboree, umuulan kasi ulit at walang tao sa bayan. Natapos ang inuman sa mga babes kanina kasi isa-isang nawala. Habang nagta-type ngayon sa blog, may nagtext na isang friend na girl. Naghahanap ng kasama. Since wala naman sa Jalajala ang iba naming friends, sinabi kong sa bahay na lang kami inom, wala din naman tao dito. Sinundo ko siya sa house nila at bumili ng San Mig Lite (shempre hehe).


(Sept. 30) 1:20 am : Kakauwi lang ng bahay. Hinatid ang kaibigan at tinuloy ang pagsusulat. Hayaan nyo muna akong magkwento ng nakit... zzzzzzz... zzzzzzzzzzz.... zzzzzzzzzzzzz.... zzzzzzzzzzz... zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzz... *nakatulog na*


Wednesday, September 26, 2007

amateur

Ito ang peborit kong kinakanta ng mga songers kapag may amateur…
Pero bago yun, eto muna…

Fiesta na naman. Yey! Pero di ako masyadong excited.

Madaming rason. Siguro kasi di na kasing saya ng mga dating fiestas. Siguro kasi mahirap ang panahon ngayon kaya naghihigpit na ng sinturon ang mga tao. Pero malamang, hindi na ako excited dahil mas masaya ang fiesta kung kabataan mo pa. Shiet, ang tanda ko na, yuucck…

Walang amateur singing contests ngayong taon. Dati kasi, limang araw ata bago mag-pista, may pa-amateur na. Gabi-gabi, may gimik ang mga taga Jalajala. Sa mga oldies, nanonood sila para makinig ng mga kantahan. Jampacked lagi ang plaza, lalo na kung may guest na artista. May mga sikat na naiimbitahan, pero kahit si Palito lang ang dumating, okay na rin, laff-trip naman. Standing-room-only lagi ang lugar, hindi lang dahil sa dami ng tao, kundi dahil wala naman talagang upuan. Sa mga siryosong manunuod, bring-your-own-upuan. May dala-dalang monoblock chairs pero karamihan, mahahabang bangko ang buhat-buhat. The more, the merrier. Pero syempre, yung mga nanay-nanay lang ang may dalang upuan. Dyahe kasi sa mga kabataan, nakakasira ng japorms ang may dalang upuan. Okay lang lumupage sa court o mangalay kakatayo. Bakit?

Dahil para sa mga kabataan, nandun sila para maka-jerk. Pormahan syempre pero yung pormang casual lang. Karaniwan sa mga lalake, suot ang bagong patahing basketball shorts nila, tas sabay-sabay sila, pare-pareho ang shorts. Sa mga gurrrrls, labas hita syempre. Rawrrrrr…

Tiba-tiba lagi ang rolling store ng Anah at ng iba pang nakikipag-compete sa kanya. Pisbol, popcorn na kulay dilaw at violet, mani, scrambol at tigpi-pisong malamig. Dapat may dala kang barya lagi para kapag nakikilan ka ng mga babaeng miyembro ng Piso Mafia eh may ibibigay ka.

“Edgar Santiago”. Ring a bell? Siya lagi ang nakukuhang emcee sa mga amateur. Taga Morong, Rizal sya at masaya siyang mag-emcee. Laging may mga binibigay na trivia tungkol sa mga bayan ng Rizal. Marami siyang alam sa history ng Jalajala, subalit ewan ko lang kung gaano katotoo yun. I don’t care. We don’t care. Basta masaya.

Speaking of masaya, wala na sigurong sasaya pa lalo na kapag may mga contestants na nagkikintaban ang suot. Palumaan pa ng kanta, yun bang pang amateur talaga. Karaniwan ay mga taga ibang bayan ang nanalo pero crowd favorite syempre kapag tagabayan ang kalahok, gaya ng magkapatid na Robert at Gaston. Naghahabulan lagi sila at ng banda sa tiyempo. Ang banda? Ang Jamestone (Gemstone ba?) Band na pinapangunahan ng isang taga-Jalajala, si Ude dela Cruz. Peborit ko ang drummer nila lalo na kapag slow rock na ang tinutugtog. Feel na feel kasi niya ang bawat hataw sa snare drum at hi-hat, habang nakatingin sa kaliwa at iiling-iling…

"But I feel I'm growing older
And the songs that I have sung
Echo in the distance
Like the sound
Of a windmill goin' 'round
I guess I'll always be
A soldier of fortune..."

Alas dos na ng madaling araw, di pa tapos ang amateur. Matira ang matibay na audience pero bago pa mag-alas tres, kokonti na ang nanunuod. Uwian na ang karamihan ng mga oldies. Kinabukasan, itatanong na lang nila sa kanilang mga anak kung sino ang nanalo.

Kanya-kanya na ng recite ng pinraktis na sasabihin ang mga kabataan. May magsasabing hindi na rin nila natapos, may manghuhula na lang ng pangalan, at ang iba ay di na lang matandaan.

Ang totoo ay di nila alam dahil wala pa sa kalahati ng amateur, wala na sila. Kasama na ang mga crushes nila at mga nagtatago na sa dilim. Sa likod ng bahay ng isang kabarkada, sa madilim na sulok ng bakuran kung saan ay bigla na lang magpuputakan ang mga manok na nagambala o mga asong nagkakahulan.

Ang iba ay nasa balatungan.

Friday, September 21, 2007

larawan ng jalajala

pindot the picture para mas malaki








XOXOXOXOXOXOXOXOXOXOXOXOXOXOXOXOXO

EMO KIDZ : May nag-email sa akin, itago na lang natin sya sa pangalang Jerald G. (anak siya ni mam C.) at nakiusap kung pwede daw ilagay dito ang picture ng mga barkada nya (see above photo).

Thursday, September 20, 2007

lapis

Gusto ko ang amoy ng lapis, kahit na anong lapis, maging Mongol No.2 pa man o yung matatabang lapis na kulay itim. Gusto ko ang amoy ng kahoy nito. Gusto ko din ang amoy ng pambura nito sa dulo. I heart lapis. Ayabyu lapis, mwah mwah mwah…

Tuwing nakakakita at nakakaamoy kasi ako ng lapis, naaalala ko nuong mga taon na nag-aaral pa ako sa elementarya. Natatandaan ko nung Grade 1 at Grade 2, under sa magkapatid na Mrs. Reyeses, mabilis maubos ang mga lapis ko, yung matatabang maitim. Nauubos hindi dahil mahilig akong magsulat, nauubos dahil di ako marunong magtasa ng lapis nun. Kapag malapit ng maayos ang pagkakatasa, bigla na lang mapuputol ang dulo pag isusulat na. Gusto ko din laging matulis ang dulo kaya tasa ako ng tasa.
Kung mabilis maubos ang panulat, mas mabilis maubos ang eraser nito na nakakabit sa kabilang dulo. “Vigorous” kasi ako kung magbura ng maling isinulat, yun bang pagburang parang katapusan na ng mundo. Halos mabutas ang papel sa pagbura sa isinulat na sobrang diin ang pagkakasulat. Kapag naubos ang pambura, pwede mo pang kagatin ang metal na nagkakapit sa eraser sa kahoy ng lapis. Kinakagat para mapalabas ang kaunting eraser na naiwan sa loob. Syempre, bata pa ako nun kaya di ko pa naiisip na ang kinakagat kong iyon ay naipantanggal ko na rin ng tutuli sa loob ng aking tenga.
Paano kapag wala na talagang eraser? Swerte ka kung ibibili ka ng pambura ng nanay mo, sobrang swerte kung may mabangong amoy ang eraser na binili. Kung wala ng eraser, no problemo, pwede naman ang lasti (rubber band) na nakatali sa dulo. At kung walang-wala na talaga, laway. Di ka naman siguro mawawalan ng laway na pambura.
Naputol lamang ang love affair kong ito sa lapis ng mag-grade 3 na ako dahil ballpen na ang ginamit namin. Pagdating ng grade 3, bihira ka na daw dapat magkamali kaya di na pwedeng lapis. Pagdating ng grade 3, dapat ay marunong ka ng mag-handle ng sarili. Hindi na pwedeng matae sa salawal. Yun nga lang, ballpen na ang nagtatae.

Saturday, September 15, 2007

St. Michael, the Archangel

PARA SA mga taga Jalajala (at sa katabing Malaya, Pililla Rizal) malaki ang debosyon natin kay San Miguel Arkanghel. Si San Miguel kasi ang patron ng bayan at oo, malapit na naman ang piyesta.

Sa ginawa kong survey dito sa blog nuong nakaraang buwan, 44% ng boto ang nagsasabing mas gusto nila ang dating piyesta ng May 8 kesa sa ngayong September 29. Bakasyon kasi ang Mayo, maraming tao sa bayan, mga taga Maynilang nagbabakasyon, mga taga Jalajalang wala sa bayan kapag pasukan. Natural na mas masayang mag-celebrate sa May 8 dahil madaming tao kapag may amateur singing contests sa gabi. Mas masarap magpa-cute. Ngunit alam ba natin kung bakit dalawa ang petsa ng piyesta ni San Miguel?

Ayon sa Roman Calendar of the Saints at sa Lutheran Calendar of the Saints, ang September 29 ang feast day ni St. Maichael, na kung tawagin dati ang araw na ito ay “Michaelmas”. Ang araw na ito ang kinikilala ng mga katoliko bilang araw ni San Miguel.

Eh ano ang May 8?

Ayon sa tala ng Roman Breviary, nuong taong 494 AD (may nagsasabi din namang 530-40 AD), nagpakita daw si St. Michael sa bundok ng Monte Gargano sa Apulia, Italy. Sinasabing nagapi ng mga Lombards of Sipontum (Manfredonia) ang mga kalaban nitong Greek Neapolitans nuong May 8, 663 AD sa tulong ni St. Michael na patron of war nila. Para ipagbunyi ang pagkakapanalo, ginawang speacial feast ng simabahan ng Sipontum ang araw na iyon in honor of St. Michael the Archangel. Kumalat naman ang feast na ito sa buong Latin Church and is now called (since the time of Pope Pius V) "Apparitio S. Michaelis".

Si St. Michael ang arkanghel na binanggit sa Bibliya (King James Version), sa Book of Revelation 12:7 “And there was war in heaven: Michael and his angels fought against the dragon; and the dragon fought and his angels”. Siya ang tinuturing na field commander of the Army of God. May sariling prayer para sa ating patron.
Saint Michael the Archangel,
defend us in battle.
Be our protection
against the wickedness and snares of the devil.
May God rebuke him, we humbly pray;
and do thou, O Prince of the Heavenly Host —
by the Divine Power of God —
cast into hell Satan and all the evil
spirits who roam throughout the world seeking the ruin of souls.
Amen.

Ayon naman sa paniniwala ng mga Mormon (The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints), nabuhay bilang tao si San Miguel sa pangalang Adam, ang kauna-unahang lalaki sa mundo. Ang meaning ng pangalang “Michael” ay “Who is like God” at ng gawin ng Diyos si Adam, ginawa Niya ito in the image of the Father.

Iba din naman sa Jehova’s Witnesses. Naniniwala sila na si St. Michael at si Jesus Christ ay iisa. Dalawang passage sa Bible ang basehan ngpaniniwala nilang ito. Una, ayon daw sa Bibliya, iisa lang ang Archangel, being the chief angel. Mababasa sa 1 Thessalonians 4:16 ang nakasulat na "The Lord himself will descend from heaven with a commanding call, with an archangel's voice..." Ibig sabihin ay ang Lord (Jesus) ay bababa mula sa langit na may boses ng arkanghel. Ang pangalawang basehan nila ay ayon sa Bible, papangunahan ni St. Michael ang isang malaking hukbo na lalaban kay Satanas. Nabanggit din ni Jesus na papangunahan nya ang isang malaking hukbo pero wala naman daw nabanggit sa Bibliya na may dalawang magkaibang hukbo ng langit na susunod sa dalawang lider.

Kilala din sa Islam si St. Michael. Sa Qur’an, ang pangalan niya ay “Mikhal” pero isang beses lang siyang nabanggit sa “bible” na ito ng mga Muslims, sa Sura 2:98 - Baiḍawi relates that on one occasion Omar went into a Jewish school and inquired concerning Gabriel. The pupils said he was their enemy, but that Michael was a good angel, bringing peace and plenty.

Ayon naman sa paniniwala ng mga kaibigan ko, binibigyan sila ng lakas ng loob ni San Miguel sa tuwing manliligaw sila sa magandang babaeng kanilang minimithi.

Pero ah-ah, gin na ata iyong aba.

Thursday, September 13, 2007

hmmmp! nakakainis kayo! (and other news)

Di nyo kasi sinuportahan ang jalajalasecret blog nyuknyuknyuk... Dalawa lang yan, either walang kwenta yung naisipan kong yun o ayaw nyong i-share ang inyong mga sikreto kahit walang makakakilala. Malamang wala kasing kwenta un naisip ko (d-oh!).
Eto na lang. May nag-suggest na i-compile ko daw ang mga featured persons ng blog na ito. Hmmmm, after careful deliberations, good idea nga yun. Kaya eto ang sariling site ng mga na-featured:


Nandito na din lang tayo, baka di nyo pa nakikita ang site na ito:


***

current events :
KARERA - nauuso ang karera ng tricycle at motorsiklo sa Jalajala ngayon. Hindi lamang mga taga Jalajala kundi mga tagakaratig bayan (Tanay, Baras, Morong) ang nagpupunta sa bandang Brgy. Punta dahil may stretch ng kalsada dun na diretso at mahaba. Dun sila nagpupunta dahil bihira lamang ang mga nagdadaang sasakyan duon at malayo sa huli ng mga pulis. Illegal kasi ang mga karerang ganun. Malalaki ang pustahan lalo na kapag mga taga ibang bayan ang magkakarera. Subalit natunugan na rin naman ito ng kapulisan kaya lie-low muna sila.
BANGGAAN, PATAY - Nung isang gabi, dalawang lalaking taga-Tanay ang namatay nang bumangga ang motorsiklong sinasakyan nila sa isang jeep na kasalubong nila sa may highway sa Brgy. 1st District. Ayon sa mga saksi, mabilis ang takbo ng motorsiklo at nang nag-overtake ito, bumangga sila sa kasalubong na jeep. Ayon pa rin sa mga saksi, "bulag" ang jeep o iisa lang ang gumagana nitong headlight at sa kadiliman ng gabi, malamang ay inakala ng driver ng motor na isa ding motorsiklo ang kasalubong nila dahil iisa ang ilaw.
Sabi nga ni Ely Buendia, "marami ang namamatay sa maling akala".
AHAS - Sa hospital naman, nagkagulo daw ang buong hospital staff sa isang pangyayari nung isang linggo. Ayon sa kwento ng isang nakausap ko, na narinig lang din ang kwento sa isang nakausap nya, na narinig lang ang kwento sa mismong nurse na nandun daw, may isang babae daw ang isinugod sa hospital para manganak. Nailabas naman ang bata ng maayos subalit sabi daw ng babae, may gumagalaw pa daw sa loob ng tiyan nya, meaning kambal. Hinipo daw ng doktor ang tiyan at sinabing may gumagalaw pa nga.
Makalipas ng ilang minutong pag-iri, laking gulat daw ng doktor nang ulo ng isang maliit na AHAS ang lumabas sa pwerta ng babae. Nagtakbuhan daw ang staff na nasa loob ng kwarto at hindi na nakita kung saan nagsuot ang ahas na galing sa tiyan.
Hindi ako makapagtanong kung gaano katotoo ang pangyayaring ito. Ikaw, kaya mo bang magpunta sa hospital natin at itanong kung may babae ngang nanganak ng ahas?
"Uuuhhh... excuse me po... may... may nanganak po ba... err-- kasi po... uhhhh... itatanong ko lang po... may... may nanganak po ba ng... ng ahas dito?"

Wednesday, September 12, 2007

lola ganda 2007 (update sept 16)

(pindot the picture)
Ladies and gentlemen, featuring Jalajala's best of the best 19forgotten :) Here are the candidates for the St. Michael Parish's search for Lola Ganda 2007 as part of their fund-raising campaign to build and renovate the Parish's office and multi-purpose hall.

From
Brgy. Sipsipin - Lola Edith Cruz
Brgy. Paalaman - Lola Lolita Kasilag
Brgy. 1st District - Lola Rosanna San Juan
Brgy. 2nd District - Lola Josie Vidallo
Brgy. 3rd District - Lola Emma Belleza
Brgy. Bayugo - Lola Clarita Rey
Brgy. Punta - Lola Lita Pillas
Brgy. Palaypalay - Lola Gertrudes Gaceta
Brgy. Pagkalinawan - Lola Merly Granado
Brgy. Lubo - Lola Pina Precilla
Brgy. Bagumbong - Lola Linda Mantala

  • It's not really a search for the prettiest, hottest grandmother, nor a popularity contest, but a search on who can raise the most amount of money for the said cause. Okay lang yun, para sa church naman (hehe) and at least hindi sila nagpa-binggo o raffle na isang uri ng gambling.

UPDATE

Ngayon po ang final counting ng Search for Lola Ganda at ang nagwagi...(drumroll)

1st - Lola Emma Belleza (Brgy. 3rd District)

2nd - Lola Linda Mantala (Brgy. Bagumbong)

3rd - Lola Merly Granado (Brgy. Pagkalinawan)

Pero ang totoong pong nagwagi ay ang ating simbahan at ang mga katolikong mamayan ng Jalajala dahil ang unofficial na nalikop ng fund raising na ito ay lampas P100,000.00

Monday, September 10, 2007

sa kanto ng alaala at kabataan

Paborito kong guro si Mrs. Reyes. Mrs. Reyes na maputi.

Bakit “maputi”? Kung sa elementary school ka nag-aral, kilala mo si Mrs. Reyes na maitim at si Mrs. Reyes na maputi. Hindi natin dini-discriminate ang kulay nila pero para sa mga grade 1 at grade 2 pupils, yun lang ang alam nating paraan nuon para ma-distuingish natin ang dalawang guro. Kasi naman, halos walang pagkakaiba ang dalawa. Teacher sa Grade 1 section 2 si Mrs. Iluminada Reyes na maitim at sa Grade 2 section 1 si Mrs. Herminia Reyes na maputi. Pareho silang Reyes subalit sa pagkakaalam ko, hindi magkamag-anak ang kanilang mga asawa (magkapatid ang dalawang guro, anak ng dating alkalde na si Agaton Gellido ayon sa isang nag-comment sa blog - pao). Magkapit-bahay din ang dalawa sa Simeon Perez street sa gitnang bayan. Bahay ni Mrs. Reyes na maputi yung nasa kanto ng S. Perez at A. Bonifacio.

Grade 1, nasa section 2 ako nuon. Si Mrs. Reyes na maitim ang kauna-unahan kong guro. Hindi ko lubos na na-appreciate ang pagiging guro niya. Nanduon kasi ang takot sa tuwing papasok. Hindi takot sa guro, kundi takot na mawalay sa nanay at sa bahay namin, takot na makasalamuha ang mga batang di ko naman mga kalaro. Malamang ay umiyak din ako nung mga unang araw ng pasukan.

Pagdating ng Grade 2, medyo may lakas na ko ng loob dahil nagkaroon na ng mga kaibigan sa paaralan. Naging section 1 ako nun at si Mrs. Reyes na maputi nga ang aking naging guro. Magaling siyang teacher, mabait. Sa kanya tumatag ang pundasyon ng aking kaalaman na nagagamit ko hanggang sa aking pagtanda. May sapat na akong self-esteem nuon subalit natatandaan ko, umiyak pa din ako nun dahil niloloko ako ng mga kaklase kong sisiga-siga. Wala daw kasi akong suot na brief. Pakers! Eh patutoy pa lang ang akin nuon, di pa kailangang mag-brief. Ganun pa man, nuon ko lang talaga nagustuhan ang pumasok sa elementary. Nagpapa-agahan sa pagpasok pa nga kami ng ilan kong kaklase sa umaga. Alas sais pa lang ng umaga, gusto ko ng umalis ng bahay at pumasok. Lagi akong napapalo ng lola ko nuon, ang aga-aga ko daw pumasok. Sa tanghali naman, 12:30 pa lang ay nasa pintuan na kami ng bahay ni Mrs. Reyes na maputi. Kami na kasi ng ilan kong kaklase ang kumukuha sa kanya ng susi ng classroom para mabuksan na namin at makapasok na. Kadalasan ay maaga kami duon kaya di agad binibigay ni Mrs. Reyes na maputi ang susi kaya nakakakwentuhan pa namin muna ang kanyang asawa, ang tiyo Pabling.

Guwapo ang tiyo Pabling, maputi din siya at panigurado, pabling talaga siya nung kabinataan niya. Palabiro din siya at lagi akong tinutukso sa isang babaeng kaklase namin. Hanggang ngayon, kapag makikita ko siya, lagi niyang sinasabing pinapakamusta daw ako nung babae. Pamangkin kasi niyan yun pero sigurado ako, nagbibiro lang siya. Tinatawanan ko na lang ang kanyang biro. Gusto ko din ang pangalan ng anak nila, si Francis. Cool na cool na pangalan. “Francis”? Anong cool sa pangkaraniwang pangalan na iyon? Dahil ang kumpletong pangalan niya ay Francis Reyes, katukayo ng legendary guitarist ng The Dawn. Oh di ba?

Type na type ko din ang bahay nila. Mula nung Grade 2 ako, makalipas ng dalawang dekada, halos walang pinagbago . Napinturahan lang ng bago pero yun pa din ang bahay na pinupuntahan namin nuon. Hindi iyon naluluma. Maaliwalas kasi ang dating ng bahay nila, design nuong 70’s. Malalaki ang bintana, alaga ang mga halamang nakatanim sa paligid. Mas gusto ko pa ang bahay nila kumpara sa mga bagong bahay na pinapagawa sa bayan ngayon. Hindi lang kasi “house” ang dating, isang “home”. Magkaiba iyon.

Tuwing mapapadaan ako sa tabi ng bahay nila, lagi akong napapatingin duon at naaalala ang panahong naging mag-aaral ako ni Mrs. Reyes na maputi. Madalas sa minsan ay nakikita ko ang tiyo Pabling. Nagtatanguan, nagngingitian, nagkakakwentuhan kapag matagal-tagal kaming di nagkita. Iintro siya ng “kinakamusta ka ni…” ---bibitinin niya ang pangalan at tuturo sa malayo, sa direksyon ng bahay ng pamangkin niya. Matatawa lang ako.

Hindi ko na nakikita si Mrs. Reyes na maputi.

Pumanaw na kasi siya.

Friday, September 7, 2007

pakibatukan ang babaeng ito kapag inyong nakita

Makikisakay na rin ako sa Malu Fernandez bandwagon kahit alam kong papatapos na ang ride. Naging mainit sa mga bloggers at mga manunulat ang issue na ito. Sino siya? Isa daw siyang “socialite” at “fashionista” na nagsusulat din sa Manila Standard at People Asia. Nalathala sa People Asia June 2007 ang isang article nyang may title na “From Boracay To Greece” kung saan ikinuwento niya ang kanyang pagpunta sa mga nasabing lugar. Eh anong masama dun?

Aba eh tirahin ba naman ang mga OFWs na nakasakay nya sa eroplano nung papunta na sya sa Greece. Eto ang kanyang sinabi:

"However I forgot that the hub was in Dubai and the majority of the OFWs (overseas Filipino workers) were stationed there. The duty-free shop was overrun with Filipino workers selling cell phones and perfume. Meanwhile, I wanted to slash my wrist at the thought of being trapped in a plane with all of them.”

Filipino si Malu Fernandez pero hate na hate niyang makasakay sa eroplano ang mga OFW. Gusto na raw niyang maglaslas ng pulso na lang. Sana nanghiram siya ng blade. Eh bawal nga pala sa plane ang mga blade. Sayang.

"While I was on the plane (where the seats were so small I had bruises on my legs)…, I heaved a sigh, popped my sleeping pills and dozed off to the sounds of gum chewing and endless yelling of “HOY! Kumusta ka na? At taga san ka? Domestic helper ka rin ba?” I though I had died and God had sent me to my very own private hell."

Impyerno daw makasama ang mga OFW habang naririnig niyang nagbabalitaan ang mga iyon. Sa kanya pang pagkakasabi, para bang nilalait pa niya ang mga domestic helpers.

"On my way back, I had to bravely take the economy flight once more. This time I had already resigned myself to being trapped like a sardine in a sardine can with all these OFWs smelling of AXE and Charlie cologne while Jo Malone evaporated into thin air."

Pinagtawanan pa niya ang mga Filipinong gumagamit ng Axe at Charlie cologne. Natural, maraming Filpinong nakabasa ang umalma sa sinulat niyang iyon. Pero imbes na mag-apologize, anong sinabi niya? Eto:

"As I type this, I’d like you to know that it’s not about whining, complaining and bitching but just stating the facts. Just recently, I wrote a funny article in my magazine column and my friends thought it was hilarious. It was humorous and quite tongue-in-cheek, or at least I thought so, until the magazine got a few e-mails from people who didn’t get the meaning of my acerbic wit. The bottom line was just that I had offended the reader’s socioeconomic background. If any of these people actually read anything thicker than a magazine they would find it very funny ..."

Hindi daw siya nagrereklamo, sinasabi lang daw niya ang totoo. Ang sinulat daw nya ay nakakatawa at natawa daw talaga ang mga kaibigan nyang nakabasa nun. Kung nagbabasa ka daw ng mga babasahing mas makapal sa magazines, matatawa ka din daw. Haller. Nagbabasa ako ng libro at hindi ako natawa dun. Syempre, lalong nag-init ang mga ulo ng mga mamamayan at ipinaalam nila ito sa publishers ng babaeng ito. Ang ending? Nag-resign si babae at nag-public apology. Pero hindi ko nakita ang sincerity ng pag-sorry nya na para bang napilitan lamang.

Ang sinulat kong ito ay hindi tungkol sa Jalajala pero alam kong maraming taga Jalajala ang nagtatrabaho sa ibang bansa, hence, mga OFW sila. Hindi ko rin sinulat ito para kaawaan natin ang mga OFW na nagpapakahirap sa ibang bansa. Hindi awa ang kailangan nila kundi proteksyon ng batas na mangangalaga sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

***
  • para sa gustong bumasa sa buong article ni Malu Fernandez, click HERE and HERE

Thursday, September 6, 2007

anting-anting

Sumikat ang anting-anting sa kamalayan ng mga Filipino lalo na nung ipinalabas ang pelikulang “Nardong Putik” nuong 70’s. Pero bago pa man nun, malapit na sa puso ng mga kababayan natin ang konsepto ng anting-anting.

Maraming uri ng anting-anting pero ang pinakang karaniwan ay para sa proteksyon sa sarili. Ganito raw ang gamit ni Leonardo Manecio o kilala as Nardong Putik. Mayroon din namang “galing” para sa mga babae, yun bang makukuha mo daw ang kahit na sinong babaeng magustuhan mo. Di ko kailangan yun (nyaaahhhH!).

Paano makakakuha ng anting-anting? Hindi mo pwedeng nakawin iyon dahil nawawala ang bisa ng anting-anting kapag nakuha sa nakaw o nawalay sa naghahawak ng di nya alam o walang pahintulot. Malamang din ay mapatay ka muna ng may anting-anting bago mo iyon manakaw sa kanya hehehe… Ang pinakamadaling paraan para makakuha ay ipamana sa iyo yun ng may-ari subalit bibihira iyon dahil karaniwan, kasama ng may-ari ang anting-anting nya sa kanyang libingan upang may proteksyon sya sa kabilang buhay. Pwede rin namang ngumanga sa ilalim ng puno ng saging at magtyagang maghintay sa pagbagsak ng katas nito mula sa kanyang puso o ang tinatawag na mutya ng saging. May mga pinagbibili ding anting-anting sa mga sagradong lugar subalit ang mga iyon ay patay o walang bisa.
Tuwing Biyernes Santo sinasabing ang pinakamabisang araw para papanatilihin o magkaroon ng “birtud” ang anting-anting. Sinasabi kasing sa araw na ito “patay ang Diyos” at ang mga espirito ay gumagala kung saan mahuhuli mo ang kapangyarihan nila para mapunta sa iyong anting-anting. Dito sinasambit ang “orasyon” para dito.

Tunghayan po natin ang isinulat ng nagpakilalang Vhong.


***
agimat ni tatang
(isinulat ni VHONG REBILYA, isang taga Jalajala)

Agimat? Iniisip natin na sa pilikula lang yan napapanuod.

Mahal na Araw, Sabado de Gloria noon. Ako, kasama ang aking mga kaibigan at ang aking ama ay nagtungo sa paanan ng bundok para subukan ang tinatawag nilang anting-anting o gamit na kapangyarihan daw para maligtas ka sa kapamahakan at kung ano ano pang anik-anik. Nandoon si Tatay, si Mike Mariano at isang tao na di ko kilala pero sundalo daw yon na nakatira sa gitnang bayan.

Malay ko nga kung totoo yon o ewan ko kung bakit naniniwala sila kahit… kuh--- sige na nga naniniwala na nga ako. Habang inilagay ng sundalo ang kanyang medalyon sa isang kahoy, binaril ng aking ama at ni Mike yung kanyang medalyon habang abala naman sa pagdadasal ang naturang sundalo. Eh di man ako maniwala, talagang hindi inaatlaban ng bala ng baril ang medalyon na ang layo sa bumabaril ay humigit kumulang 20 metro (Baka naman hindi metro. Ang 20 meters ay 65 feet, ang layo nun hehe di nga tatamaan. Baka po 20 piye o feet – Pao). Hindi ko rin alam dahil sabi ng mga usyosero ay bumabalik daw ang bala. Pero di ko yun nakikita at siguro dahil di naman asintado ang aking ama kaya di nya matamaan ang medalyon. Baka si Mike naman ay malabo ang mata kaya di ren nya natatamaan hehe.. Papaano ba naman tatamaan eh ga singkong duling ang lake ng midalyon. Naku hayaan na nga naten sila, mga matanda na kase hehe. Ayon sa paniniwala nila, malakas yung hawak ng sundalo kaya di inatlaban ng bala.

Naku, nag-aksaya man sila ng bala eh hinayaan nalang ng mga usisero. Walang wenta hehe Pagkatapos subukan ang galing ng anting-anting ng sundalo, pagkakataon naman ng aking ama na magmagaling. Inilagay nya ang kapirasong papel na may nakasulat na Latin. Ewan kung anong ibig sabihin non pero yun ang anting-anting ng ama ko. Puwesto sya sa isang sulok para magdasal, na sana di atlaban ng bala yung papel na yon.

1… 2… 3… Pok! Pok! Pok!

Ayon awa ng dios, butas ang papel hehehehe Napapakamot ng ulo si Tatay kahit alam kong kakaunti na ang buhok nya sa ulo. Ang dahilan, napanaginipan daw nya nung nakaraan gabe na aalis na ang kanyang agimat. Naku! Kung di ko lang sya ama eh babatukan ko na sana kaya lang napatawa nalang ako. Hinayaan ko na lang paniniwala nila.

Ang huli naman ay si kuya Mike. Ilinigay den nya ang hawak nyang medalyon sa kahoy at binaril ng suldalo. Pok! Pok! Pok! hahahaha nakakatuwa man eh yon, walang nangyare. Butas ang medalyon! Makikita nyo sa hitsura ng mukha nya ang sobrang lungkot. Asintado kase yung sundalo hehehe

May mga anting-anting daw kuno, mga elemento o bagay na galing daw sa kalikasan. Siguro meron nga pero di ba, mahirap paniwalaan so hayaan na lang naten ang mga nakakatandang maniwala sa paniniwala nila. Total, matatanda na naman sila eh. Sabe nga ni Vicks, marame daw bagay na pedeng gawin ng demonyo o pedeng magpanggap ang demonyo para malinlang tayo at maakit nila. Pero ang pinakamabisang anting-anting ay ang paniniwala naten sa Diyos.

Tuesday, September 4, 2007

blogblogblogee scandal

Maupo muna kayong lahat. Magandang tanghali po. Maupo muna kayo. Uhhh… magandang tanghali po… (kagat labi)… Pakipatay nyo lang ang cellphone nyo. Uhhhhh… may gusto lang po akong sabihin sa buong mundo, sa mga Filipino (himas ng batok). Ayoko na sanang gawin ito eh… pero… (kagat labi sandali) pinepersonal na po ako ni Joey De Leon eh, este— ni Tagabario (iling… punas ng labi… buntunghininga…). Alam mo Tagabario, ang laki ng respeto ko sa yo eh…

Siguro ay di na talaga mawawala sa bayan natin ang sobrang pulitika lalo na kapag may mga taong nabubuhay sa pulitika at lahat na lang ng bagay para sa kanila ay umiikot at may bahid nito. Hindi ko kilala kung sino si Tagabario ngunit ayon sa nababasa ko sa mga sinusulat nya ay ganun ang dating nya para sa akin. Hayaan nyo po munang sagutin ko ang mga issues na sinabi niya dahil unang-una, wala na po akong maisulat (nyaaaahhh!)

Wala pong halong pulitika ang pagkakagawa ng blog na ito. Hindi ko tinatapatan ang ginawang Jalajala Forum at lalo ng hindi iyon dahil sa inggit. Kung yun ang hangarin ko ay forum din sana ang ginawa ko. Magkaiba ang forum sa blog at di ko na sasabihin ang pagkakaiba dahil alam nyo na yun. Naggawa ako ng blog upang maisulat ang mga bagay-bagay na naiisip ko tungkol sa Jalajala. Highschool pa lang po ay nagsusulat-sulat na ako sa journal ko ng mga bagay-bagay. Di ko nga lang pwedeng isulat yun dito dahil masyado na yung personal.

Ang totoo po nyan (kusot ng mata para maiyak) ay hindi ko na sana ipagsasabi sa mga taga Jalajala ang URL ng blog na ito. Magsusulat na lang sana ako ng magsusulat para mawala na sa isip ko ang mga nais kong isulat tungkol sa bayan natin. Ganun kasi ako, kapag may naisip akong isang bagay, hindi yun mawawala sa isip ko at di ako papatahimikin hanggat di ko naisusulat. Pero nung magkita kami ni Elat sa Las Vegas, anong ginawa nya? Sinabihan niya akong ipabasa na rin sa mga taga Jalajala ang blog. Naisip ko din na sabagay, wala namang masama kung mabasa ng mga kababayan ko.

Sabi din ng isang nag-comment dito, si Kamasutra, na nakakatamad daw at walang sense ang ibang mga sinusulat ko dito. Naniniwala po akong honest opinion nya yun at di siya naninira lamang. Ang sagot ko po dito ay dahil ang mga sinusulat ko ay base din sa mga karanasan ko sa Jalajala at ang ilan ay galing sa mga kaibigan ko. Kung nakakatamad man iyon para sa kanya ay dahil po di naman talaga exciting ang buhay ko. Isa lang akong pangkaraniwang taga Jalajala na walang magawa. Hindi sa sinusumbat ko ito, para lang malaman nyo… bahay, sa kwarto at studio lang ako. Pag wala na akong kayang lakas, andun lang ako sa kwarto, mag-isa. Iniisip ko kung anong gagawin ko ulit bukas para mapasaya ang buong mundo. Tsaka nagsusulat ako unang-una, para sa aking sarili lang. Kung matutuwa man ang ilang makakabasa at makaka-relate sila ay mabuti, added bonus ika nga, icing on the cake. Kaya naisipan ko ding ilagay ang email address ko dito para makapagpadala naman ng sulat ang mga mambabasang may maikukwentong masaya. Hindi naman kailangang laging may mapupulot na aral sa babasahin. Anong magagawa ko kung walang mabuting aral sa karanasan ko? Dats layp. Nandiyan ang Bible kung kabutihang aral ang hanap, naghihintay lang na basahin natin.

Hindi ho ako humihingi sa inyo ng awa. Pinaglalaban ko lang ang sarili ko. Labas po dito ang ABS, personal ko na po ito. Ang bigat, ang bigat ng ginagawa mo sa akin. Ang hangad ko lang ay magpasaya ng tao… (hikbi) magpasaya lang ng tao, Tagabario. Kung hindi dahil sa ratings! Sa iyo na yang ratings mo! Sa inyo na yang number 1 kayo! (kusot ng mata)… Kung totoo yang sinasabi mo, kung may bahid ng pulitika ang ginawa ko… akala mo napakalinis mong tao! Kung naniniwala kayo dun, iwan nyo po ako! Iwanan nyo ako dito… wag mong paglaruan… Tagabario, wag mong paglaruan ang pagkatao ko. Ikaw na ang bida! Ikaw na ang number 1!

Pasensya na po kayo, humihingi po ako ng tawad sa inyo. Sasabihin ko po sa inyo ng harapan,walang halong pulitika ang blog na ito. Marami pong salamat, pasensya na po kayo. Hindi ko na po kaya to. Pero ganun pa man, Mr. Tagabario, nirerespeto pa din kita. Wag mong intayin na mawala ang respeto at paghanga ko sa yo. Marami pong salamat sa inyo. Marami pong salamat sa buong mundo.
:)

***
Para sa di naka-gets, watch this:
Wowowee Part 1
Wowowee Part 2

Monday, September 3, 2007

batibot, since 1986

play song for added effects :)

pagmulat ng mata, langit nakatawa
sa batibot, sa batibot
tayo nang magpunta, tuklasin sa batibot
ang tuwa, ang saya
doon sa batibot tayo na, tayo na
mga bata sa batibot
maliksi, masigla

Kung tatanungin natin ang mga kabataan ngayon, marami sa kanila ang hindi na inabot ang Batibot. Siguro ay naririnig na lamang nila sa mga kwentuhan ng mga mas nakakatanda sa kanila. Yung iba naman ay nakikita na lamang ang mga bagay-bagay na magpapaalala sa kanila ng Batibot. Nakakatawa nga rin yung iba, di nila alam na nasa Batibot na pala sila.

Halika, tara sa Batibot.

Magkita-kita tayo sa kanto ng E. Rodriguez St. at G. Borja St. Oo, nandun ang Batibot. Pinangalanan ng Batibot ang lugar na iyon kasabay ng kasikatan ng kiddie-educational show na Batibot sa telebisyon (wikipedia entry HERE). Bakit kanyo? Dahil gaya ng palabas sa TV, madami ding masasayang bata sa lugar na iyon. Bago pa man dumami ang mga internet shops sa Jalajala kung saan naglalaro ang mga kabataan ng mga online at LAN games, Batibot ang tambayan namin nuon. Kung may mga pisong coins ka, makakapaglaro ka na ng mga arcade games duon gaya ng Mario Bros., Battle Tank, Bomber Man, Double Dribble (bago pa magka NBA Live) at ang walang kamatayang Contra (sinong nakakaalam nito? --> up, up, down, down, left, right, left, right, B, A, B, A, select, start). Umaga pa lang, lalo na kung walang pasok, puno na agad ng mga bata ang Batibot. Masaya kasi duon, maliliksi at masisigla ang mga bata sa pagpindot ng mga buttons.

Pero kung iniisip nyo na pambata lang ang Batibot, nagkakamali kayo. Dahil sa Batibot, pwede din sila Kuya Bodjie, Ate Sienna, Manang Bola o Irma Daldal kung nais nilang magpakayod ng niyog, magpagiling ng malagkit na bigas, mani o kaya naman ay bumili ng uling. Sari-sari store din ito. Masipag kasi ang may-ari ng Batibot, lahat ng pwedeng inegosyo ay pinag-iisipan niya.

Papano naman ang mga kabinataan? Papaano naman yung di mahilig sa arcade games o walang niyog na ipapakayod? Aba, maliban sa magandang tambayan ang kantong iyon, meron ding bilyaran ang Batibot. Dito nahubog ang mga tumbok ng maraming billiard players ng Jalajala. Medyo masikip nga lang at may mga anggulong kailangang maliit na tako ang gamitin mo dahil di kasya ang mahabang tako.

Maliban sa mga atraksyong ito, madaming pumupunta sa Batibot dahil ang may-ari nito ay mapagkaibigan at mahusay makisama.

Di nyo pa rin alam kung saan ang Batibot? Itanong nyo kay Nonel.