Saturday, June 6, 2009

JJ iraq basketball team

Ilan sa mga manlalarong taga Jalajala na nagtatrabaho sa Iraq. Championship na naman ito.

Line Up :
#04 - Nelo Molero
#19 - Rudy Martin
#3 - Lito Ignacio
#31 - Jhay Ar Marino
#5 - Rhyan Villa
#27 - Norman Bonagua
#9 - Aham Ibasan
#00 - Darryl Alvarez
#16 - Virgilio Isales

Player/Coach - #17 Anthony Ibasan



Current record as of today : 3 wins - 2 losses

Sunday, May 31, 2009

sino si i. pascual sa i. pascual st.?

MATAGAL NA akong curious kung sino yung mga taong nakapangalan sa streets natin sa bayan. Sino si Miguel dela Vega (M. dela Vega St.)? Sino si Simeon Perez (S. Perez St.) Sino si J. Borja?

Si Eulogio Rodriguez, J.P. Rizal at A. Bonifacio, kilala na natin sila.

Eto pa, sino si Isidro Pascual ng I. Pascual St.? Di mo alam?

Ayon kay Miss Gemma Cruz Araneta, si Isidro Pascual ay isang Katipunero nung panahon ng mga Kastila. Nung binubuo ang KKK, nagtatatag sila ng mga "balangay" o Katipunan branches sa bawat bayan at lugar. May isang tao na naka-assign na magtatatag at magre-recruit ng mga gustong sumali sa Katipunan.

Si Isidro Pascual ay isang agente especial (special agent, parang yung sa FBI hehe) na binigyan ng tungkuling magtatag ng Katipunan sa Jalajala.

Ahhhh... yun pala yun.

Friday, May 15, 2009

bangon kalikasan

by: Joey C. Papa
(bangonkalikasan@yahoo.com)

Noong Sabado ay nasa Jala-jala, Rizal kami. Ilang ulit ko nang nadaanan ang mga ba-yan ng Rizal mula Antipolo hanggang sa dulo nito patungong Quezon.

Hindi ko pinagsawaang tingnan ang magandang tanawin ng kapatagan mula Morong hanggang Jalajala. Mapalad kami at kakatapos lang ng mahabang araw ng pag-ulan at kulay luntian pa ang mga kabukiran at kabundukan.

Malamig ang simoy ng hangin laluna na nang makipag-usap na kami sa ilang mga residente sa isang barangay. Maputik ang daan patungo sa kanilang lugar. Sementado na ang kalsada nang biglang sa kalagitnaan ay bumulaga ang hindi sementadong bahagi ng daan. Lubak-lubak at maputik.

Sabi ng kausap namin ay dahil ‘yan sa pulitika. “Nag-away ang mga pulitiko, naapektuhan ang kalsada namin. Ang mga paninda naming gulay at hayop ay may kahirapang dalhin sa bayan,” bigay- diin ng isang kausap namin.

Idinagdag pa niyang pati ang mga batang mag-aaral ay laging napuputikan ang mga damit at sapatos nitong nakaraang umuulan ng ilang araw. May nadulas pa anya sa bahaging hindi sementado dahil nagbabalon ang tubig ulan d’yan at mahirap daanan.”

Naglalaban ang alinsangan at malamig na simoy ng hangin. Marahil ay dahil sa hapon na nang tumigil kami sa harap ng kanyang kubo at mag-kwentuhan. Noong maaga-aga pa ay umikut-ikot muna kami sa kanilang komunidad.

Maraming alagang hayop ang kausap namin mula manok, kambing, bibe, pabo at baka. Paminsan-minsan ay nagtatanim siya ng gulay at hinimok ko siyang magsagawa ng organikong pagtatanim ng gulay.

Sa halos 10 minuto lang naming pag-uusap ay naliwanagan na siya sa kasamaan ng kemikal at kahusayan, kabutihan ng purong organikong pagtatanim.

Dahil dito ay malungkot niyang ikinwento ang una niyang pagtatangka sa pangingisda sa lawa ng Laguna. Noong una’y natuwa siya dahil mai-nam naman ang huli nila. Ngunit nang minsa’y siya at ang pamilya niya mismo ang kumain ng ilang huli nilang isda, nalasahan niya ang hindi lamang lasang gilik kundi lasang kemikal sa isdang bangus at kanduli.

* * *

Matagal na niyang naririnig ang polusyong hatid ng mga kumpanya, pabrika na nakapalibot sa lawa at ang masamang lasa ng mga huling isda. Binalewala niya noon. Ngunit nakumpirma ang bagay na ito nang ang pa-milya na niya mismo ang kumain ng isda.

Mula sa kanila ay tanaw na tanaw ang lawa. Sa taya ko ay may limampung hakbang lamang ang layo nito sa tinitirhan nila.

Sinabi ng kasama naming doktor na sayang at matagal nang pinag-uusapan ang pagliligtas sa lawa ngunit nanatili lamang ito sa salita. Kabuha-yan at kalikasan ang nasira ng walang habas na pagdudumi sa lawa.

Sinabi ng isang mangingisda na pini-pilit daw nilang linisin ang lawa sa pamamagitan ng paghimok sa kanilang mga kalugar na pamahalaan na ng wasto ang kanilang mga tira-tirang bagay na nagiging basura para hindi na ito itinatapon sa lawa. Kahanga-hanga ang pagsisikap nila sa lugar na ito. Dito na sila isinilang at tumanda.

Ngunit bahagi lamang ang Jalajala ng mahabang lawa ng Laguna at tiyak na masasapawan pa rin ang kanilang pagsisikap ng mga bayan na hindi tutulad sa kanila. At ang pinakamahalagang maipatupad ay ang mata-pat na pagsunod sa mga batas pangkalikasan na tila nabaon na sa limot.

Hindi dapat gawin ng mga tao at pabrika ang lawa ng Laguna bilang inidoro.


Friday, May 8, 2009

Virginia Fabella honored by the town of Jalajala as environment advocate

Virginia Fabella, a Maryknoll Sister from the Philippines, has been involved in environmental work since the early 2000’s when she was assigned to Jala-jala, Rizal, where her congregation is developing a mini-farm towards self-sustenance.

“At Maryknoll mini-farm, we use only ‘environment-friendly’ farming methods. Our place in Jala-jala has also been used for seminars on waste management and other environment-related concerns,” said Sr. Virginia.

When Jala-jala town celebrated its 100th anniversary in March 2007, Virginia Fabella received a certificate of appreciation from the town mayor for her invaluable support and active participation in conserving environmental resources and developing greater consciousness in caring for nature.

Sr. Virginia is a member of AWRC and the Editorial Advisory Committee of IGI. She also teaches feminist theology courses in the Institute of Formation and Religious Studies.



***

source WOMENET

Tuesday, May 5, 2009

ang buhay ng pamangking ko, parang life...

video

.

SI YAYAY ANG bida. Para sa akin, dapat isama si Yayay sa Jalajala Baskethall Hall Of Fame dahil sa pinamalas nyang kagalingan sa larong basketbol. Isa sa mga manlalaro ng Dunggot na maaaring ituring na "legend". Mapaliga man o lima-lima lang, mas nanaisin ko pang kakampi siya kesa kalaban at kabanggaan. Nakita mo na ba ang kanyang "bicycle shot"?

1:30 sa video: "eh, eh, ang pamangking ko, nakaka-jamming ko na"
3:28: ang pagdating ng Rookie Of The Year...
4:20: ang pang-"Guinnes" na pagtungga ng alak ni Rookie Of The Year, walang tubig, mamatay-matay... ayos lang.
5:05: pupulutaning natin, daing o saging? ang sagot....
6:20: hindi, tatlo lang. para may sampung piso pa pangsigarilyo...
8:00: nagpapahiyang pa ata. yan ang ayaw ko sa tropa namin, nagpapahiyang. hindi pwede sa tropa yan eh.
9:05: ayaw ng magpasa ng tagay ni Rookie Of The Year... Ano, napahiya na.


video provided by Trupa15

Thursday, April 2, 2009

semana santa sa panahon ng txt gener8n

HOLY WEEK na naman, Mahal Na Araw, Semana Santa.

Kung ano pa man ang gusto mong itawag dun, iisa lang naman ang kahulugan. Last year, napag-usapan natin ang sinasabing tunay na diwa ng Semana Santa. Habang lumalaon ata, nawawala na ang tunay na diwa nito. Kung ano mang diwa yun, wala na ata tayong pakialam. Malamang mas alam mo pa kung ano yung Kadiwa sa Jalajala.

Pero tuwing panahon na ito, di ko talaga makalimutan ang mga pamahiin na laging sinasabi ng mga oldies, lalo na tuwing Holy Week nga. Gaya nga ng nasabi ko last year, bakasyon pa naman kapag Mahal Na Araw, madaming pwedeng gawin subalit madami ding bawal daw ayon sa mga pamahiin; gaya ng bawal mag-ingay, magsaya at magpatugtog ng malakas na radyo dahil patay daw ang Diyos, bawal maligo sa Biyernes Santo, mag-ingat sa byahe o paggagala etcetera etcetera...

Sa panahon ngayon, dapat pa bang maniwala sa mga pamahiin? Sabi ng iba ay wala naman daw mawawala kung susunod tayo sa mga iyon, sabi naman ng iba na maging sa simbahan o sa Bibliya ay walang basehan ang mga pamahiin.

Ibig bang sabihin ay mali ang mga sinasabi ng mga lelang natin?

Kaya ang survey, may pinapaniwalaan ka pa bang pamahiin kahit isa?

Friday, March 27, 2009

jariz team, ppi tour champion 2008

BANGKAGAGALING ABA, kahit sa Iraq, champion pa din ang Jalajala sa basketball. Congrats mga tol, magse-celebrate kami dito sa JJ, bayaran nyo na lang ang mga nakuha naming beer.

Last year pa sana ang balitang ito pero ang tagal ng pagdating ng pasalubong ni Antutz kaya ipo-post ko na rin kahit wala pa ang pampadulas nya hehe... Tutz, sa Cubao lang ha.


Awarding ng medals and trophies...


..at ang score. Mapapansin nyo na "Halo-halo" ang pangalan ng kanilang katunggali dahil galing sa iba't-ibang lugar ang mga players nila, parang All-Star team from different provinces pero nanaig pa din ang Team Jalajala


Congrats din kay pareng Renel sa pagkapanalo nya ng Best Coach nang pangunahan nya ang Team Jalajala sa championship game.

...huh? ano raw! hind nanalo si Renel? Errrrrrr...




Thursday, March 26, 2009

"kamusta?"

Kumusta?

Taong 1990-1991, pansamantala akong nanirahan sa Jala-jala. Nabasa ko yung sinulat mo sa blogspot. Baka naman maaari mo akong matulungan na magkaroon muli ng komunikasyon sa aking mga kaibigan diyan sa inyong bayan.

Nelson at Luz Samodio, mga anak na sina Marlon, Rico at Leila.
Jennifer at Michelle Belleza.
Allan Borja. Dick Sarmiento.
Kahit na siguro kay Bernard Belleza, baka matandaan din niya ako.

Kahit e-mail o numero ng telepono, paki pasa.
Paki-hatid na rin sa kanila ng aking pangungumusta.

Salamat,
Edwin Cuenca

Monday, March 23, 2009

Meron ako ano...

MERON AKONG ano, meron akong kwento.


Binabalak ko kasi na ayain sana ang ilan sa mga kaibigan kong mahilig sa photography para magkuha ng mga tanawin sa Jalajala. Iniisip ko kasi na madaming magagandang lugar sa bayan natin na masarap kuhanan ng litrato, lalo na sa bandang baryo. Subalit bago ko pa yon masabi sa kanila, nagpunta muna kami sa Cagbalete, Quezon, isang isla na tunay na napakaganda. White sands at napakalinis na karagatan. Ngayon, parang ayaw ko na tuloy mag-aya sa Jalajala.

Bakit? Kasi, iniisip ko, ano nga ba talaga ang kakaiba at magandang tanawin sa Jalajala? Pangkaraniwang probinsyang pamumuhay, wala tayong kilalang lugar gaya ng simbahan ng Tanay, Morong at Antipolo. Walang Higante Festival gaya sa Angono. Oo, hindi polluted sa bayan natin kumpara sa ibang bayan sa Rizal pero gaya nga ng sabi ko, pangkarinawan din lang talaga.

Eh bakit para sa akin ay maganda ang Jalajala? Bakit hindi ko siya ipagpapalit sa ibang bayan sa Rizal? Bakit nga ba para sa atin, walang katulad ang bayang kinalakhan?

Ngayon ko naisip na malaking tulong sa magandang persepsyon ang mga magagandang karanasan natin na nangyari sa particular na lugar. Kahit siguro sa Boracay o Batanes, kung masaklap ang karanasan mo dun ay hindi iyon magandang lugar para sa iyo.

Gaya ng pantalan sa bayan, maganda iyon para sa akin dahil naaalala ko nung panahon na tumatambay kami dito ng mga kaibigan ko. Naaalala ko nung nililigawan ko ang kasintahan ko nuon at napapadpad kami sa pantalan sa hapon para mag-usap. Naaalala ko nung may makilala kami nuon na mga babaeng taga Lambak at dun sa pantalan naming sila huling nakita nang ihati naming sila sa bangka nung pauwi na sila sa Lambak. Tuwing hapon, baon ang mga barya, nagpapatugtog kami sa isang jukebox sa pantalan para alalahanin ang maiksi ngunit matamis naming mga sandali kasama sila. “Tears On My Pillow” ang kanta. Corny, oo na.

Maganda sa akin ang mga lugar sa baryo dahil nung nasa elementary pa ako, dun kami lagi tuwing bakasyon. Iba ang buhay sa bayan, iba ang buhay sa baryo.

Maganda sa akin ang kabundukan natin dahil malapit lang ito at kagaya mo, kagaya niya, kagaya nila, halos lahat tayo ay naakyat na ito lalo na tuwing Mahal Na Araw at aakyat ng Santong Lugar. Malapit na nga pala ulit mag Holy Week, akyatan na naman. Syempre, halos lahat sa atin, hindi umaakyat ng Santong Lugar dahil isa itong panata. Umaakyat tayo dahil may mga kasama tayong mga chikababes na kailangang alalayan. Tsansing? Hindi ah. Matulungin at maaalalahanin lang.

Maganda sa akin ang Dunggot dahil dun ako unang nagka-GF. Yiheeee… Maganda sa akin ang mga kalsada sa bayan dahil dun kami naglalakad habang sinusundan ang mga crush. Maganda sa akin ang plaza sa munisipyo dahil dun kami nanunuod ng mga amateur singing contest, dun ko napanuod si Palito, At dun ako naka-score ng 20-plus points sa isang laro sa liga ng basketball. May mga nakakahiya din akong karanasan sa plaza pero who cares, masaya naman.

Kahit ang highway palabas ng bayan, papuntang Malaya, maganda iyon sa akin. Maganda ang mga bundok at palayan at memorable sa akin dahil dun kami naaksidente ng mga kaibigan ko nung dumulas sa kalsada ang sinasakyan naming kotse at bumaliktad papunta sa bahayan. Near-death experience talaga. Medyo nakainom kasi kami nuon at umuulan pa. Buti na lang at mga galos lang ang dinanas namin kahit wasak talaga ang sasakyan. Simula nuon, pinangako na namin sa aming mga sarili na tunay na mag-ingat kapag basa ang daan at wag ng mag-drive kapag nakainom kahit konti lang.

Pinangako din namin sa aming mga sarili na hindi na kami mag-iinom…

(…sa loob ng isang buwan.)

Saturday, March 7, 2009

namatay na si francis magalona

BAKIT DAW kailangang magbigay ng tribute sa isang artista gayung mas madami pang ibang Filipinong namatay kamakailan na may nagawang mas makabuluhang bagay kesa sa kanya? Bakit nga ba? Tama nga ba?

Eto ang sabi sa Lapsapan (pindot).