Tuesday, July 17, 2007

jala-jala circa 1820's

(note : pansinin ang bundok sa drawing ng bahay ni Paul dati at sa site banner sa taas, parang parehas lang hane nga?)

Nuong unang panahon, bata pa si Sabel, ano nga bang klaseng lugar ang Jalajala? Kung tatanungin mo daw ang mga Manilenyong nakakaalam sa lugar nuon, sasabihin nilang mas mabuti pang wag mo ng puntahan ang lugar na iyon. Ang Jalajala kasi nuon ay sinasabing lugar ng mga kriminal, mga magnanakaw, mga pirata na di kasing-cute ni Captain Jack Sparrow at mga taong nagtatago sa batas. Ang tawag ni Paul sa mga taong ito ay Banditti. Magubat kasi at masukal ang lugar nuon, halos walang batas na umiiral kaya paboritong pagtaguan ng mga taong--- uhhh… gustong magtatago.

Pero kay Paul P. de La Gironiere, hindi iyon ang nakikita niya. Para sa kanya, ang Jala-jala ay isang lugar kung saan makakapagsimula siya ng bagong buhay (read his life in Manila HERE). Ang nakita niya ay ang kagandahan ng lugar; ang mga bundok na bagamat gubat ay madali namang pasukin at akyatin, ang ilog at bukal ng tubig na nanggagaling sa bundok papuntang dagat, ang malawak na damuhan na pwedeng pag-alagaan ng mga baka, kalabaw at kabayo, ang madaming hayop gaya ng baboydamo, usa, mga unggoy at maraming klase ng ibon. Marami ding itik, pabo at iba’t-ibang isda sa dagat ngunit kailangang mag-ingat dahil madami ding malalaking buwaya nuon sa tubig. Wala pa sila sa Malakanyang nuon. Bago umalis si Paul papuntang Jala-jala, kinausap muna niya ang kanyang misis. Tinanong niya kung maninirahan ito sa Jala-Jala kasama siya.

“With you, I should be happy anywhere” sagot ni Anna.

Yiheeee, bangsweet aba.

With that, iniwan muna ni Paul ang asawa at nagsama na lamang ng isang mapagkakatiwalang alalay papuntang Jala-Jala. Aayusin muna niya ang lugar bago papuntahin ang waswit. Sumakay sila ng bangka sa Pasig River papuntang lawa ng Bay (Laguna de Bay). Tumigil muna sila sa isang lugar na tinatawag na Quinaboutasan malapit sa isla ng Talem at nagpahinga. Di nagtagal, narating din nila ang baybayin ng Jala-jala.

Alam ni Paul na pagdating nya sa lugar, kailangan ay good impression agad ang dating niya. Kailangan niyang maging kaibigan ang mga taga Jala-jala, kailangang makuha ang respeto ng mga ito. Magagawa niya iyon kung ang magiging tingin ng mga taga-JJ sa kanya ay isang nirerespetong tatay at hindi isang nananakop na dayuhan. Kasama ang kanyang nag-iisang tao (pero pareho silang may dalang armas), pinuntahan nila ang taong pinakanirerespeto at kinakatakutan sa lugar, si “Mabutiu-Tajo”, na sa tingin ni Paul ay di mangingiming pumatay ng limang tao kung gugustuhin nito. Hinikayat niyang magbagong-buhay na ang lalaki at maging kanang-kamay niya sa pagpapaunlad ng lugar. Gagawa sila ng isang hukbong magpapanatili sa katahimikan at kaayusan ng Jala-Jala at si Mabutiu-Tajo ang magiging lider ng mga ito. Nag-isip muna ang lalaki at di nagtagal ay pumayag siya sa kagustuhan ni Paul. Pinalitan ni Paul ng pangalan ang lalaki bilang hudyat ng pagbabago nito. Tinawag niya itong “Alila” (Nyeeek, tama ba naman yun?). Kinabukasan, matapos makabuo ng 10-kataong hukbo, tinipon ni Paul ang mga taga Jala-Jala. Inutusan niya ang mga ito na linisin ang paligid, itayo ang kanilang mga bahay malapit sa lugar na pagtatayuan din ni Paul ng kanyang bahay. Sinabi niya kung saang lugar magtatayo ng simbahan. Makalipas ng lampas walong buwan (nagpapabalik-balik si Paul sa Maynila at Jala-Jala ng mga panahong iyon) lumutang ang isang kanayunan mula sa sukal. Nuon isinama ni Paul si Anna sa Jala-Jala at pagdating sa lugar, itinuring ng mga tao si Anna bilang reyna ng Jala-Jala. Oo, si Anna ang tunay na Reyna ng Jalajala, hindi si Brenda.

Dito na nga nanirahan ang dalawa at pinagyaman ang Jala-Jala. Hanggang maaari, pinatupad ni Paul ang mga batas ng mga Kastila sa lugar pero hinayaan din niya ang ilang tradisyon at kagustuhan ng mga tagaduon kagaya ng sabong at paglalaro ng baraha ngunit sa mga itinakdang ispesyal na araw lamang. Ang sumuway dito ay pinaparusahan. Kapag may mga reklamo, kay Paul inilalapit ng tao ang hinaing nila. Isang araw, dalawang tao ang lumapit sa kanya at inireklamo ang isang nagngangalang Bazilio dela Cruz (ninuno siguro ng mga dela Cruz sa Jalajala) na nagnakaw ng baka. Dagling ipinahuli ito ni Paul at pinabugbog para umamin sa kasalanan. Bugbog sarado na si Bazillio ngunit patuloy pa rin nitong sinasabing wala siyang kasalanan. Unti-unti ng naniniwala si Paul na wala ngang kasalanan ang lalaki at pinalaya nya ito. Nagtago na ang dalawang taong nagreklamo sa takot na malamang mali ang kanilang paratang. Sa insidenteng ito nalaman ni Paul na kailangan niyang maging maingat at mapanuri muna bago magparusa.

Sa kagustuhan din ni Paul, naitayo ang unang simbahan at nagkaron ng kauna-unahang pari sa Jala-Jala, si Father Miguel de-San Francisco, isang bayolente at matigas ang ulong pari na isang beses lang sa isang taon kung magbigay ng sermon sa misa sa mga taga Jala-Jala. Subalit si Father Miguel naman ang nagsilbing guro ng mga tao samantalang si Anna naman ang nagtuturo sa mga babae.

Para mapanatili ang respeto ng mga taga Jala-Jala kay Paul, kailangang maipakita niya ang kanyang katapangan sa mga ito. Malaki kasi ang respeto ng mga tao sa isang matapang na lider kaya pinangunahan ni Paul ang pangangaso sa mga mababangis na kalabaw na kinatatakutan ng maging mga taga Jala-Jala. Si Paul din ang nakapatay ng isang napakalaking buwaya (27 feet in length whose head is now displayed in the Museum of Comparative Zoology in Harvard University in the United States) na problema ng mga taga dun. Pinangunahan din niya ang pagdakip at pagpatay sa mga masasamang taong ayaw pang magbagong buhay gaya ng lider ng isang grupo ng mga banditti na kilala sa pangalang Cajoui. Ang hindi lang niya maaalis sa mga tao dun ay ang takot nila sa mga Tic-balan at Azuan na sa pagkaka-describe ni Paul ay isang manananggal.

Habang tumatagal, lumalaki ang populasyon ng Jala-Jala. Maraming Banditti ang lumalapit kay Paul upang magbagong buhay. Matapos isuko ang mga armas nila, binibigyan sila ni Paul ng kapirasong lupa kung saan nila pwedeng itayo ang kanilang bahay. Maraming kaibigang taga Maynila ang bumibisita kay Paul sa Jala-Jala nang mabalitaan nila ang lugar. Dumating din ang kapatid niyang si Henry at tumulong sa pagpapaunlad sa kanilang taniman ng palay, kape at tubo, 3,000 baka, 800 kalabaw at 600 kabayo.

Ngunit hindi lahat ay kasiyahan. Ipinanganak ni Anna ang panganay na anak nilang babae ngunit makalipas lamang ng isang oras, binawian na ang bata ng buhay. Namatay din ang kapatid ni Paul na si Henry na labis na dinalamhati ng mag-asawa. Bagamat muling nagka-anak sila ng batang lalaki pinangalanan nilang Henry din, naging mahina ang kalagayan ni Anna. Nang malapit ng magpaalam si Anna, yakap-yakap ni Paul, ito ang huling habilin ng kaisa-isang babaeng minahal ni Paul.

“Adieu my beloved Paul, adieu. Console thyself- we shall meet again in Heaven. Preserve thyself for the sake of our dear boy. When I shall be no more, return home to thy own country, to see thy aged mother…”

Dahil sa kalungkutan at sa kagustuhang tuparin ang habilin ng asawa, naghanda na si Paul para lisanin ang Jala-Jala. Inihabilin niya ang pagpapatakbo ng kanyang hasyenda sa kaibigang si Vidie. Ngunit hindi pa man sila nakakaalis, nagkasakit ang anak ni Paul at dun mismo sa kwarto kung saan namatay ang una nilang anak, sa mismong kwarto kung saan namatay si Anna, dun din namatay ang anak nilang si Henry. Halos mabaliw si Paul sa mga pangyayari. Ninais na niyang mamatay na rin lamang dun sa kwartong iyon. Nang papaputukin na niya an baril na nakatutok sa kanyang dibdib, naalala niya ang sinabi ni Anna, “puntahan mo ang iyon ina…”

Linggo, matapos ang huling simba niya sa simbahang kanyang pinatayo, matapos bisitahin ang puntod ng kanyang pamilya, iniwan ni Paul ang Jala-Jala kung saan nanirahan siya ng 20 taon.

2 comments:

Anonymous said...

blogs like this, telling their town's histories are always a welcome thing.

kudos to the writer/s of this blog. i know you're making your townfolks proud. keep it up.

paolo said...

zamboanga : salamats. ngunit di katulad ng zamboanga, di pa ganun katagal at kayaman sa history ang bayan namin. kailan lang kami nagcelebrate ng centennial samantalang ang mga karatig bayan namin ay nasa ika 300-400 years na nila hehe