Monday, July 16, 2007

si pareng paul

Nakakwentuhan ko nung Biyernes si Paul P. de La Gironiere, ang Pranses na itinuturing na nagpasimulang maging bayan ang Jalajala. Dito niya itinayo ang kanyang hasyenda, dito sinumulan ang kanyang pamilya at sa pamamagitan niya, nagkaroon ako ng maisusulat ngayon.

Ipinanganak si Paul sa Nantes, France kung saan nakapagtapos siya bilang isang doktor (naval surgeon). Likas sa kanya ang pagiging lagalag kaya di naglaon ay nag-apply sya ng trabaho sa isang may-ari ng barko at naglayag papuntang West Indies. Nuong October 9, 1819 sakay ng lumang barkong nagngangalang Cultivateur, naglayag sila papuntang Bourbon, Sumatra, sa isla ng Sonde at pagkatapos ng walong buwan, nakarating sila ng Pilipinas, sa bayan ng Cavite.

Mahilig sa outdoor adventures ang aking kaibigan at pagkababa pa lamang ng barko, humanap na agad siya ng isang tourguide na indio (tawag sa pinoy, although ang tawag ni Paul ay Indian) at naglibot sa kagubatan dala lamang ang isang rifle. Mahilig kasi siyang mangaso (hunting). Isang araw, naanyayahan siyang sumamang mangaso sa bulubundukin ng Marigondon. Pagkalipas ng 3 linggo, nakatanggap siya ng sulat na pinapabalik na siya ng Cavite dahil maglalayag na paalis ang Cultivateur. Nagkaron kasi ng kaguluhan sa Cavite at Manila, at hindi ito kagagawan ni Ramon Revilla at FPJ, walang dialogue na sa yo ang Tondo, akin ang Cavite. Nagkaron kasi ng cholera epidemic at libo-libong indio na ang namamatay sa sakit. Dahil wala pang CSI o Grey’s Anatomy nuon, hindi alam ng mga indio ang pinagmulan nito. Sinisi nila ang mga dayuhan, pinagbintangang nilalason ang mga tubig, na nais ng mga porendyer na ito na mamatay silang lahat para masakop ang kanilang mga lupa. Resbak ang drama ng mga indio. Patayin lahat ng hindi nila kakulay. Bagamat naibalik din ng mga sundalong Kastila ang kapayapaan, hindi na inintay ng crew ng Cultivateur kung magki-kiss and make up pa sila ng mga indio. Aalis na lang sila, belat.

Huli man daw at magaling, huli pa rin dahil hindi na inabot ng ating bida ang kanyang barko. Nagdesisiyon si Paul na magpunta na lamang sa Manila at duon manirahan. Isa naman siyang doktor at kaya niyang buhayin ang sarili. Ang una niyang naging pasyente, isang kilalang Kastilaloy na kapitan ng mga sundalo, si Don Juan Porras na nasugatan sa kanyang mga mata, hindi dahil sa paninilip. Ang mga chikababes na half-breeds kasi nuon, tinatawag na Metis - mga tagalog-Spanish at Chinese-tagalog, ay see-thru ang pang-itaas na blouse na yari sa pinya fiber. Ito ayon kay Paul, ang isa sa mga past-times ng mga Kasila, mga Ingles at mga Pranses na gaya niya. Nasugatan si Don Juan sa isang labanan at malapit ng mabulag. Nagamot siya ni Paul at hindi nagtagal, sumikat siya bilang isang magaling na doktor at dumami ang kanyang mga pasyente. Hindi lang kuliti gawa ng paninilip ang mga sakit nito.

Dito niya nakilala ang isang masabaw pang biyuda, si Anna, ang magandang Marquessa de Las Salinas. Masabaw pa dahil 18 o 19 years old pa lamang ito. Nakilala niya ang babae nang maging pasyente niya ang pamangkin nito. Pagkalipas ng anim na buwan, naging asawa na niya ang Marquessa. Nang mga panahong ito, hinirang siya bilang Surgeon-General ng ilang batalyon ng mga sundalong Kastila. Yumaman at naging tanghal na ang Pranses. Maraming beses ng nagplanong magbalik sa France ng mag-asawa ngunit lagi itong napo-postpone. Hindi ko alam kung sino sa kanila ang may balat sa pwet.

Nagkaroon ng isang attempted coup-de-etat sa Maynila at ang pinaghihinalaang lider ay ang kumander ng isang batalyong hawak ni Paul. Kaibigan niyang matalik ito. Hinikayat siyang sumama sa mga magkukudeta ngunit tumanggi siya. Hindi siya naki-join. Di nagtagumpay ang pag-aalsang ito at di nagkaroon ng EDSA Revolution dahil wala pang EDSA nuon. Pinarusahan ang mga sumama sa pag-aalsa. Ang parusa? Manunuod ng re-runs ng That’s Entertainment! (thursday editon) pagkatapos ay babarilin sa plaza. Uzi si Paul sa firing squad na ito kasama ang ilan pang mahilig maki-uzisero sa mga bitayan. 17 junior soldiers ang binaril. Pagkatapos barilin ang 17, laglagan ang mga ito sa lupa. Isa sa mga sundalo ang buhay pa at nagkunwari lamang patay, nakuha nya siguro ang style sa pinoy action movies. Nakita ito ni Paul dahil malapit lamang siya sa sundalo. Hindi niya alam kung paano tutulungan ang lalaki. Makakaligtas na sana ito ngunit may ibang nakapasin din dito at pinagbigay alam sa mga kastila. Tinuluyan din ang nagkukunwaring patay.

Hindi naging maganda para kay Paul ang experience na ito. Nagkasakit din nun si Anna ngunit dahil doktor nga siya, napagaling din niya ito. Nagdesisyon si Paul na mag-resign na sa pwesto at bumili na lamang ng isang lupain kung saan sila maaaring mamuhay ng tahimik. Ngunit saang lugar naman? Ahh, alam na niya, sa isang lugar na kung tawagin ay Jala-Jala.


(sa susunod : Ano ang Jalajala nuon? Sino-sino ang mga unang pamilyang nakatira dun bago pa dumating si Paul? Ano ang naging buhay nila dun? Abangan)

7 comments:

Anonymous said...

mr. dj pwede bang mag request?

sana may picture na kasama...miss ko na jj.

galing ng research ah.

paolo said...

susubukan ko makapaglagay ng mga pictures kapag may nakuha na ako.

Anonymous said...

you can also add that the first club or organization in JJ is called the Dreamers Club. This is headed by Ruben Bellin, and the people who are in this club are the "elite" of JJ, this is the early year of the 50'S, and their muse is known to everybody now as Ate Heidy. I know that most members of the Dreamers club are all proffesionals, and some of them are living abroad. Members who live abroad still longing to come home to JJ, coz they missed the ambiance & hospitality of the people. See you on my next comment...Viva Jalajala...

paolo said...

ganun po ba? ang Heidy po ba na tinutukoy nyo eh yung
may-ari ng 243?

baka po may mga kwento pa kayo about the past, email nyo naman sa akin sa email add provided sa sidebar. kait po anong tungkol sa JJ na pwedeng i-share. salamats.

Anonymous said...

Yap,the Ate Heidy in 243. And the advisers of this club are the following: Agaton Gellido, Juan Vidallo, Juan delos Santos, Pando Gellido. I know some members still have a group picture of their club taken on those forgotten years. I hope somebody will post it in your website.

Nick said...

Great piece, Pao.
Ambeth Ocampo must be green with envy.
An entertaining history lesson. With touches of your usual naughty tidbits. Perfect!
You're moving in the right direction.
I'm very proud and happy for you.
Keep it up.

paolo said...

nick : i dunno about that "green with envy" thing, hindi naman siguro hehe although i was thinking of ambeth ocampo nga nung sinusulat ko yun. history classes wouldnt be that boring kung si ambeth ang teacher.