Monday, March 23, 2009

Meron ako ano...

MERON AKONG ano, meron akong kwento.

Binabalak ko kasi na ayain sana ang ilan sa mga kaibigan kong mahilig sa photography para magkuha ng mga tanawin sa Jalajala. Iniisip ko kasi na madaming magagandang lugar sa bayan natin na masarap kuhanan ng litrato, lalo na sa bandang baryo. Subalit bago ko pa yon masabi sa kanila, nagpunta muna kami sa Cagbalete, Quezon, isang isla na tunay na napakaganda. White sands at napakalinis na karagatan. Ngayon, parang ayaw ko na tuloy mag-aya sa Jalajala.

Bakit? Kasi, iniisip ko, ano nga ba talaga ang kakaiba at magandang tanawin sa Jalajala? Pangkaraniwang probinsyang pamumuhay, wala tayong kilalang lugar gaya ng simbahan ng Tanay, Morong at Antipolo. Walang Higante Festival gaya sa Angono. Oo, hindi polluted sa bayan natin kumpara sa ibang bayan sa Rizal pero gaya nga ng sabi ko, pangkarinawan din lang talaga.

Eh bakit para sa akin ay maganda ang Jalajala? Bakit hindi ko siya ipagpapalit sa ibang bayan sa Rizal? Bakit nga ba para sa atin, walang katulad ang bayang kinalakhan?

Ngayon ko naisip na malaking tulong sa magandang persepsyon ang mga magagandang karanasan natin na nangyari sa particular na lugar. Kahit siguro sa Boracay o Batanes, kung masaklap ang karanasan mo dun ay hindi iyon magandang lugar para sa iyo.

Gaya ng pantalan sa bayan, maganda iyon para sa akin dahil naaalala ko nung panahon na tumatambay kami dito ng mga kaibigan ko. Naaalala ko nung nililigawan ko ang kasintahan ko nuon at napapadpad kami sa pantalan sa hapon para mag-usap. Naaalala ko nung may makilala kami nuon na mga babaeng taga Lambak at dun sa pantalan naming sila huling nakita nang ihati naming sila sa bangka nung pauwi na sila sa Lambak. Tuwing hapon, baon ang mga barya, nagpapatugtog kami sa isang jukebox sa pantalan para alalahanin ang maiksi ngunit matamis naming mga sandali kasama sila. “Tears On My Pillow” ang kanta. Corny, oo na.

Maganda sa akin ang mga lugar sa baryo dahil nung nasa elementary pa ako, dun kami lagi tuwing bakasyon. Iba ang buhay sa bayan, iba ang buhay sa baryo.

Maganda sa akin ang kabundukan natin dahil malapit lang ito at kagaya mo, kagaya niya, kagaya nila, halos lahat tayo ay naakyat na ito lalo na tuwing Mahal Na Araw at aakyat ng Santong Lugar. Malapit na nga pala ulit mag Holy Week, akyatan na naman. Syempre, halos lahat sa atin, hindi umaakyat ng Santong Lugar dahil isa itong panata. Umaakyat tayo dahil may mga kasama tayong mga chikababes na kailangang alalayan. Tsansing? Hindi ah. Matulungin at maaalalahanin lang.

Maganda sa akin ang Dunggot dahil dun ako unang nagka-GF. Yiheeee… Maganda sa akin ang mga kalsada sa bayan dahil dun kami naglalakad habang sinusundan ang mga crush. Maganda sa akin ang plaza sa munisipyo dahil dun kami nanunuod ng mga amateur singing contest, dun ko napanuod si Palito, At dun ako naka-score ng 20-plus points sa isang laro sa liga ng basketball. May mga nakakahiya din akong karanasan sa plaza pero who cares, masaya naman.

Kahit ang highway palabas ng bayan, papuntang Malaya, maganda iyon sa akin. Maganda ang mga bundok at palayan at memorable sa akin dahil dun kami naaksidente ng mga kaibigan ko nung dumulas sa kalsada ang sinasakyan naming kotse at bumaliktad papunta sa bahayan. Near-death experience talaga. Medyo nakainom kasi kami nuon at umuulan pa. Buti na lang at mga galos lang ang dinanas namin kahit wasak talaga ang sasakyan. Simula nuon, pinangako na namin sa aming mga sarili na tunay na mag-ingat kapag basa ang daan at wag ng mag-drive kapag nakainom kahit konti lang.

Pinangako din namin sa aming mga sarili na hindi na kami mag-iinom…

(…sa loob ng isang buwan.)

3 comments:

Anonymous said...

hihihi parang bangka tatagal na non ah panahon pa ng jokebox hiiiihihi 9 yrs old pa ata ako non,maganda naman sa jalajala eh pro kadalasan boring na ren.



sad!

paolo said...

anonymous, 9 years old ka nun? same age ata tayo, nasa elementary pa ako nun kasi :P

Anonymous said...

heheh.. ika nga...

THERE'S NO PLACE LIKE HOME.. :-))

*ang tagal ko nren hindi ngawi sa site na toh ah infairness namiss ko ang blog ng jj...hahahahah :P


i am...sasha fierce :D