Friday, May 15, 2009

bangon kalikasan

by: Joey C. Papa
(bangonkalikasan@yahoo.com)

Noong Sabado ay nasa Jala-jala, Rizal kami. Ilang ulit ko nang nadaanan ang mga ba-yan ng Rizal mula Antipolo hanggang sa dulo nito patungong Quezon.

Hindi ko pinagsawaang tingnan ang magandang tanawin ng kapatagan mula Morong hanggang Jalajala. Mapalad kami at kakatapos lang ng mahabang araw ng pag-ulan at kulay luntian pa ang mga kabukiran at kabundukan.

Malamig ang simoy ng hangin laluna na nang makipag-usap na kami sa ilang mga residente sa isang barangay. Maputik ang daan patungo sa kanilang lugar. Sementado na ang kalsada nang biglang sa kalagitnaan ay bumulaga ang hindi sementadong bahagi ng daan. Lubak-lubak at maputik.

Sabi ng kausap namin ay dahil ‘yan sa pulitika. “Nag-away ang mga pulitiko, naapektuhan ang kalsada namin. Ang mga paninda naming gulay at hayop ay may kahirapang dalhin sa bayan,” bigay- diin ng isang kausap namin.

Idinagdag pa niyang pati ang mga batang mag-aaral ay laging napuputikan ang mga damit at sapatos nitong nakaraang umuulan ng ilang araw. May nadulas pa anya sa bahaging hindi sementado dahil nagbabalon ang tubig ulan d’yan at mahirap daanan.”

Naglalaban ang alinsangan at malamig na simoy ng hangin. Marahil ay dahil sa hapon na nang tumigil kami sa harap ng kanyang kubo at mag-kwentuhan. Noong maaga-aga pa ay umikut-ikot muna kami sa kanilang komunidad.

Maraming alagang hayop ang kausap namin mula manok, kambing, bibe, pabo at baka. Paminsan-minsan ay nagtatanim siya ng gulay at hinimok ko siyang magsagawa ng organikong pagtatanim ng gulay.

Sa halos 10 minuto lang naming pag-uusap ay naliwanagan na siya sa kasamaan ng kemikal at kahusayan, kabutihan ng purong organikong pagtatanim.

Dahil dito ay malungkot niyang ikinwento ang una niyang pagtatangka sa pangingisda sa lawa ng Laguna. Noong una’y natuwa siya dahil mai-nam naman ang huli nila. Ngunit nang minsa’y siya at ang pamilya niya mismo ang kumain ng ilang huli nilang isda, nalasahan niya ang hindi lamang lasang gilik kundi lasang kemikal sa isdang bangus at kanduli.

* * *

Matagal na niyang naririnig ang polusyong hatid ng mga kumpanya, pabrika na nakapalibot sa lawa at ang masamang lasa ng mga huling isda. Binalewala niya noon. Ngunit nakumpirma ang bagay na ito nang ang pa-milya na niya mismo ang kumain ng isda.

Mula sa kanila ay tanaw na tanaw ang lawa. Sa taya ko ay may limampung hakbang lamang ang layo nito sa tinitirhan nila.

Sinabi ng kasama naming doktor na sayang at matagal nang pinag-uusapan ang pagliligtas sa lawa ngunit nanatili lamang ito sa salita. Kabuha-yan at kalikasan ang nasira ng walang habas na pagdudumi sa lawa.

Sinabi ng isang mangingisda na pini-pilit daw nilang linisin ang lawa sa pamamagitan ng paghimok sa kanilang mga kalugar na pamahalaan na ng wasto ang kanilang mga tira-tirang bagay na nagiging basura para hindi na ito itinatapon sa lawa. Kahanga-hanga ang pagsisikap nila sa lugar na ito. Dito na sila isinilang at tumanda.

Ngunit bahagi lamang ang Jalajala ng mahabang lawa ng Laguna at tiyak na masasapawan pa rin ang kanilang pagsisikap ng mga bayan na hindi tutulad sa kanila. At ang pinakamahalagang maipatupad ay ang mata-pat na pagsunod sa mga batas pangkalikasan na tila nabaon na sa limot.

Hindi dapat gawin ng mga tao at pabrika ang lawa ng Laguna bilang inidoro.


No comments: