Monday, November 26, 2007

kadiwa

Natatandaan nyo pa ba ang Kadiwa dati? Malamang hindi na kung Backstreet Boys, 98 Degrees at Take That na ang mga boybands na kinalakihan nyo, hindi ang Menudo na gaya ng mga ate ko dati na patay na patay kay Robby Rosa (sabay-sabay tayo “ewwwwwwwwwwwwww...”)

Anywayyyyyy, kung hindi nyo man inabot ang Kadiwa, malamang ay naririnig nyo pa rin itong nababanggit ng ilang mga oldies. Ang Kadiwa dati ay ang opisina ng DAR ngayon, sa may kanto ng J. Delos Santos Sr St. at ng National Road. Para sa kaunting kaalaman ng ilang interesado, ang Kadiwa ay isang tindahan o mini-grocery store nuong early 80’s na itinatag ng gobyerno ni Marcos para magbenta ng mga mumurahing basic food at household items.

Nuong January 14, 1981, nilagdaan ang Presidential Decree No. 1770 na nagtatag sa National Food Authority mula sa dating National Grains Authority. Ang kautusang ito ang basihan ng pagkakatatag ng mga Kadiwa retail stores sa buong Pilipinas.

Natatandaan ko pa ang Kadiwa nuon dahil kapag pupunta kami ng nanay ko sa Kadiwa pagkatapos ng klase sa elementary, ang katumbas siguro nuon sa ngayon ay ang feeling kapag pupunta ng Megamall ang isang bata. Masaya. Iyon kasi ang kauna-unahang grocery store. Marami kang mabibili. Mura pa.

Sa likod ng Kadiwa ay isang maliit na palengke. Ang kauna-unahang palengke sa Jalajala subalit hindi ito naging patok sa mga tao. Ewan ko kung bakit. Hindi pa siguro handa ang bayan natin na magkaroon ng isang palengke gaya sa Tanay. May mga nagtitinda sa palengkeng iyon, may mga bumibili din naman subalit di kalaunan ay nawala na rin ang mga mamimili at nagbebenta. Di kalaunan, naging laruan na lamang namin ang likod ng kadiwa, kasama ang mga kambing na ginawang tambayan ang palengkeng iyon. Isipin mo rin, bakit ka nga naman bibili pa sa palengke eh may naglalako naman ng mga isda sa kalsada na mas mura? May mga baboy, manok at gulay din sa mga sari-sari store na malapit sa inyo, gaya sa tindahan ng Emy sa 3rd District na talaga namang patok na patok lalo na nuong mga panahon na iyon. Ito siguro ang dahilan kaya pinagbabawal na ng kasalukuyang lokal na pamahalaan natin ang paglalako ng isda sa kalsada para naman mapaunlad ang palengke natin ngayon at hindi masayang lang ang pondong inilaan sa pagpapatayo nito. Kaso ang layo naman kasi kaya hirap ding puntahan, mahal naman ang pamasahe sa tricycle.

Nuong May 31, 1985, inilabas ang Executive Order No. 1028 kung saan inalis na sa NFA ang kapangyarihang mag-control ng mga presyo ng bigas at mais at ang pag-aangkat ng mga ito, at muling ibinali sa private sectors. Inalis na rin sa tungkulin ng NFA ang mga marketing activities na may kaugnayan sa mga non-grains. Kaya sa katapusan ng 1986, isinara na ang lahat ng Kadiwa stores sa bansa, kasama na sa Jalajala. Isinara na rin ang mga tindahang ito dahil nalulugi na rin ang gobyerno at malaki ang kanilang gingastos dito.

Sa ngayon, sa pangalan na lang natatandaan ng iba ang Kadiwa. Darating ang panahon, maging iyon ay makakalimutan na rin at ang alaala ng Kadiwa ay mawawala na rin. Mid-80s nawala ang Kadiwa, kasabay ng unti-unti na ring paglubog ng Menudo. Makakalinutan natin ang Kadiwa, pero hindi ang Menudo. Ate, para sa iyo ang picture na ito kahit wala talaga itong kaugnayan sa Kadiwa.

Isa pa. Ewwwwwwwwwwwwwwwwwwwwwwwww…

Sunday, November 11, 2007

belleza reunion, 2007

Nabalitaan ko last week na may reunion daw ang mga Belleza sa basketball court sa munisipyo. Naisip ko “lahat ng mga taga Jalajala nandun?” Nyuk-nyuk-nyuk… Uki, exaggerated yun, I know, pero kamtotinkopit, madami talagang Belleza sa Jalajala, di ba?

Nasabi ko sa sarili ko, I have to be there kahit hindi nila ako kapamilya’t kapuso; hindi para makikain sa nabalitaan kong maraming pagkain, kundi para makita ko mismo ang kasiyahang iyon.

Sabado night, Nov. 10, around 9pm. Nagpunta ako sa court para manuod. Nasa kalagitnaan na ata sila ng kanilang kasiyahan nung dumating ako dun. Maraming tao sa loob ng court, halos mapuno. Nagsasayawan sila nung dumating ako, mukhang masaya silang lahat. May kasama pang sigawan ang mga nagsasayawan. Marami akong taga-Jalajala na kakilalang nandun pero madami ding mga bagong mukha. Siguro taga Maynila. May emcee na english kung magsalita kaya sa tingin ko ay galing Isteytsayd pa ang iba sa mga andun. May nakatabi akong kakilala na isa ding Belleza. Nalaman ko sa kanya na hindi pala yun reunion ng buong angkan ng Belleza sa Jalajala kundi isang sanga lang sa family tree ng kanilang angkan. Pero halos lahat ng Belleza na kakilala ko ay nandun.

Hindi ako mahilig sa mga reunions. Sa mga batch reunions namin sa school, ang total number ng napuntahan ko ay… zero. Pero iba ang mga family reunions, lalo na ang mga reunions ng magkakapamilya na hindi naman talaga lagi nagkikita-kita. Higit yung reuinions ng mga pamilya na ngayon lang magkikita-kita. Mabuti yung ganun para malaman mo kung ang bagong kakilala mong nais mong ligawan ay hindi mo pala pinsan. Pero dahil hindi naman nila ako angkan, nakita ko yung mga taga Jalajala na magkakamag-anak pala. Magpinsan pala si ano tsaka si ano, magkamag-anak pala sila.

Talented ang mga Belleza. Marami silang intermission numbers. May mga kumanta ng pop songs, may taga Tate na kumanta, na sabi dun ay kasali sa isang musical play back home. May mga dance numbers din sila na kitang-kita na talagang in-enjoy nila, na sa huli ay in-enjoy din ng mga nanunuod.

Hindi lang talented, madami din talagang magagandang Belleza. Maganda ang lahi nila. Meron din sigurong mag gwapings sa kanila pero di ko na napansin. Syempre, mas concentrate ako sa mga girls hehehe…

May prepared dance number din daw sila Tita Brendz subalit maghahating-gabi na kasi, hindi ko na nahintay. Iniintay ko ding sumayaw yung isang Belleza na naka white pants at may black inner blouse na balita ko ay suki ng sayawan nung teens pa siya. Subalit hindi ko siya nakitang sumayaw, baka ayaw na lang niyang masapawan niya ang mga bagong Belleza teens kaya mas minabuti na lang niyang mag-give chance to others hehehe…

Pero isipin nyo lang, kung magpa-family reunion ang buong angkan ng isang pamilya, mula sa kanunu-nunuan, makikita natin na lahat pala tayo dito sa Jalajala ay magkakamag-anak.

Dahil ultimately, ayon sa Bibliya, galing tayong lahat sa dalawang tao lamang.


***
  • magpo-post ako ng pictures ng reunion nila kung may magbibigay sa akin from their family :)

Wednesday, November 7, 2007

smps ulit



Napadaan ako sa St. Michael Parochial School kahapon ng hapon nung uwian na ng mga istudyante. Ang sasaya nila habang pauwi, parang excited na excited at uwian na. May mga naghihilahan pa na sa aking pakiwari ay pinipilit sumama yung isang batang babae, na wag munang umuwi at sumama muna sa kung saan. Yung isa binatilyo naman, parang nahihiya habang kinakausap yung isang babae. Crush nya siguro at nagkakandautal-utal sa pagsasalita. Iniiwasan pang pumiyok.

Parang kami nuong sa St. Michael pa kami nag-aaral. Parang kami pero sa isang banda, hindi rin at malaki na rin ang pinagbago, ng school at ng mga nag-aaral duon. Ganuon naman ata ang buhay, maraming pagbabago pero may mga maliliit na bagay na hindi na mawawala sa atin.

Parang ang mismong school. Marami ng nabago sa loob, bago na ang pintura pero ang pinakang-istraktura niya ay yun pa din. Ang mataas na kisame, ang mga classrooms, ang hagdan, ang mga pader na naging saksi sa buhay-istudyante ng mga nag-aral dun. Ang pader na pinagsulatan ng mga pangalan ng mga crush, belok love (put name here), ng mga sagot sa exam na parang tunay na maliliit na hieroglyphics para di mabuking ng teacher. Ilang pahid man ng pintura ang itapal sa pader na ito, hindi nito mabubura ang mga kasaysayang kanyang nasaksihan. Sabi nga, if only walls can talk, marami na siyang maikukwento sa atin.

Sa mga mag-aaral ng SMPS, nag-iba man ang mga ito, iisa pa rin naman ang mga katangiang ating makikita duon. Ang mga makukulit at pasaway nating mga ka-batch, panigurado ay may katapat din sila sa mga bagong batch. Ang mga crush ng school natin, meron din sila. Kung meron tayong mga kaklase na anak ni Rizal, meron din sila, baka nga mas matatalino pa. Nagkakaiba na lang siguro yan sa perception, kung aling batch ang pinakamasaya, pinakamakulit, pinakamadami ang mga gwaping at chikababes, kung aling batch ang pinaka-successful. Dahil para sa akin, batch naming ang pinakamakulit at pinaka-cute hehehe walang aangal.

Nawala man si Mrs. Medina, nawala man ang mga teachers natin duon, may mga kapalit naman sila ngayon. Meron pa ding mga terror teachers sa SMPS, meron pa ding mga teachers na magaganda, meron pa ding magagaling na teachers at mga teachers na parang napadaan lang at nabigyan na ng trabaho duon. Hindi naman mawawala yan. Kaya nga sabi ko nuon, marami ang nakaka-relate sa kantang High School Life dahil magkakaiba man ang pangalan ng school, ng mga tao, ng lugar, ang buhay ng high school ay iisa lang.

“…every memory kayganda”, di ba?

Friday, November 2, 2007

undas

Isang undas na naman ang nakalipas. Kagaya nitong nakaraang taon, gaya sa susunod na taon, isang undas na naman sa ating buhay; hanggang sa isang undas na tayo naman ang ipagtitirik ng kandila at dadalan ng bulaklak ng ating mga naiwan sa buhay. Sigurado iyan, pramis. Sa hinaba-haba man daw kasi ng prusisyon, sa… uhmmnn… sa sementeryo din ang bagsak.

May pinagkaiba ba ang undas ngayong taon sa mga nakaraang undas? Meron. Wala. Depende siguro sa matang papansin.

Unang-una, ilang araw bago mag undas, nakita ng mga taong maglilinis sana ng mga puntod sa lumang sementeryo na nawawala ang mga bakal sa paligid ng kanilang minamahal na namatay. Nawawala ang bakal na gate ni ganito, nawawala ang bubong na yero sa puntod ni ganire, nawawala ang bakod na bakal duon sa banda run. Ganito na ba kahirap ang buhay at kahit ang patay ay ninanakawan na? O ganito na lang kakapal ang mukha ng mga magnanakaw?

Nung bata pa ako, natunaw na kandila ang ninanakaw namin ng mga kaklase ko. Project kasi sa elementary ang mag-ipon ng natunaw na kandila para gawing floorwax sa classroom. Bibilugin naming parang bola ang tumutulong kandila ng mga patay naming lelong at lelang. Dahil mga bata pa, palakihan syempre ng nagawang bolang kandila. Shet, talo lagi ako dito dahil pinapagalitan lagi ako ng nanay ko kapag kinukuha ko ang tulo ng kandila. Madali daw maubos ang kandila dahil sa ginagawa ko. Dahil dito, natuto kaming manguha ng tulo ng kandila sa puntod ng ibang patay na umalis na agad ang nagbabantay. Syempre ulit, bata pa kami nun, di pa talaga namin alam ang tama at mali. Kasalanan iyon ng KJ naming mga magulang at ng mga teachers na lagi na lang nagpapa-project ng ganun tuwing mag-uundas. Kahapon, may mga nakita pa din naman akong mangilan-ngilang batang gumagawa pa din ng ganun. At ngayong malalaki na kami, ang ilan sa amin ay nagkatulo na rin.

Natatandaan ko din nuon, nalilibot namin ang buong sementeryo sa paghahanap ng mga lumang puntod na nagiba na, na kita daw ang mga buto at bungo sa loob. Meron nga ata kaming nakita. Nung mga nagbinata na at mga nagdalaga, nalilibot namin ang buong sementeryo sa paghahanap ng mga crush o mga taga Maynila na mapuputi. Para maka-jerk ba. Tatambay ka sa puntod ng kamag-anak mo para baka dumaan si crush, o kung swerte ka ay kalapit puntod nyo lang ang patay nila kaya buong maghapon kayong nagtatanawan o nag-uusap. Maraming ganyang sitwasyon. May mga nagkakatuluyan pa nga at nasa Amerika na ngayon at may dalawang anak, isang babae at lalaki errrr… Syempre, para mas masaya, magkakabarkada dapat magkakasama. Sa patay muna nila, tas sa patay naman namin, then sa kanila naman. Hanggang ngayon naman ay ganito pa din ang style. Nagpupunta sa sementeryo “to see and be seen”. Yun nga lang, kahapon, parang ang daming bading na nagkalat sa sementeryo. Wala namang masama dun, kakaiba nga lang kasi kapag sampung bading na magkakasunod na naglalakad, lahat naka short-shorts at miniskirt, “baktong” pa lahat, bakat utong. Ang isa pa naman dun, yung kala-kalaro namin nuon sa basketball na after a year na nawala sa Jalajala, bumalik siya the next bakasyon na kakaiba na ang itsura at kilos. Sumapi na pala sa pederasyon. Napag-isip-isip tuloy kami kung papano ba siya magdepensa nuon sa basketball. Madikit ba masyado? Laging nambubunggo ng pwet? Ewan.

Kapag may pamilya na, nagiging family reunion pagdating ng undas. Dito karaniwang nagkikita ang mga pamilya, ang mga anak-anak. Kadalasan din makikitang nagkakainan, nagsusugal, nag-iinom habang pinapalipas ang araw ng mga patay. Pero kahapon, may naglilibot na mga pulis na nagpapaalala na bawal ang malalakas na sounds, magsugal at mag-inom sa loob at paligid ng sementeryo. Tama lang naman.

If my memory serves me right, lahat ata ng undas ay inuulan. Ang iniisip ko nuon, ito ang paraan ng langit na basbasan ang lahat ng taong nakalibing. O kaya ay nakikiiyak sila dun sa langit kaya umuulan. Kahapon, ang init ng araw. Walang kaulap-ulap. Ito ata ang magiging kakaiba sa mga nakaraang undas, nasabi ko sa aking sarili dahil nag-iisa pa ako nun at wala pang makausap. Subalit pagdating ng hapon, biglang umulan ng malakas na malakas. Nyeeee… inulan din pala. Pero ilang menuto lang, eto na naman ang mainit na araw. Dumaan lang ang basbas na ulan.

Sa akin lang ha, kapag bata pa, mainit na kandila ang pinagtutuunan ng atensyon. Kapag lumaki na at nagkaroon na ng malisya, ang opposite sex na ang pinagtutuunan ng pansin. Kung may pamilya na, family reunion naman ang undas. Kapag oldies na at isang nakalimutang-pagpaligo-na-lang-at-amoy-lupa-na, ang tunay na diwa na ng undas ang kanilang nasa isipan. Kapag malapit na sa finish line, dito nila inaalala ang naging buhay at kamatayan ng mahal nila sa buhay na nasa puntod. Dito sila nag-aalay ng dasal, hindi lang para sa taong nasa puntod, kundi para na rin sa kanila, sa pagdating ng panahon na kailangan na nilang magpalista kay San Pedro.

Kaya nga di ba, sabi ko na sa hinaba-haba man daw ng prusisyon, sa sementeryo din ang bagsak.

Pwedeng sa Jalajala Public Cemetery o sa katapat nitong Garden of Peace Memorial Park. Pero kahit saan pa mang libingan, sa abo tayo nagsimula, sa abo tayo hahantong. Maliban na lang siguro kung kinain ka ng pating. Shark ebak ang kalalabasan mo.

But that is another story to be told next undas.