December na. Ang lamig na, no? Lalo na sa gabi at sa madaling araw. Sa tanghali nga kapag lalabas, naka-jacket pa ako, tas dalawang patong pa na damit ang suot ko sa loob. Iniisip nyo siguro na exaggerated yung sinabi ko pero totoo, ganun talaga kalamig.
Wala kasi ako sa Jalajala, wala sa Manila, wala sa Pinas. Nasa malamig na bansa ng mapuputi. Kakadating ko lang nung isang linggo. Dito na ako magpapasko, pangatlong pasko ko na dito. Iniisip siguro ng mga inaanak ko at ng mga kumpare/kumare ko na nagkamali sila ng pagkuha ng ninong dahil pangatlong Pasko at Bagong Taon ko na itong nagtatago nyuk-nyuk-nyuk… Alam ko ang nararamdaman ng mga inaanak ko dahil ako mismo, isang pares lang ng ninong at ninang ang nakamulatan ko. Siguro may iba pa akong mga ninong at ninang subalit hindi ko na sila nakikita o kilala. Natatandaan ko nung bata pa ako, naiinggit ako sa mga kakilala kong bata na maraming ninong at ninang na napupuntahan tuwing pasko at bagong taon. Ako, laging sabit lang. Kung bente pesos ang binibigay ng mga ninong nila sa mga kasabayan kong namamasko, sa akin, sampung piso lang. Lima, kung minamalas-malas.
Pero hindi lang naman ako ang ninong na wala sa Pasko sa Pinas. Marami na kasing Filipino ang nasa ibang bansa at di na nakakapagpasko sa atin. Marami ding bata ang walang ninong/ninang, ang walang magulang pagsapit ng pinakamasayang okasyon para sa isang bata.
Gaano man kalayo ang Filipino sa Pilipinas, pilit pa rin nilang binubuhay, ginagaya ang paraan ng pagse-celebrate ng Christmas na parang nasa Pilipinas sila. Sa mga Katolikong simbahan na maraming Filipinong nagsisimba, may Simbang Gabi din sila gaya sa Pilipinas. May ilang simbahan na alas-kwatro ng madaling araw ang Simbang Gabi, kagaya talaga sa atin subalit karamihan ng simbahan ay sa gabi talaga ang Simbang Gabi, alas-otso ng gabi karaniwang isinasagawa. Pwede na rin. Pero mas okey sana kung sa madaling araw talaga kasi mas masarap bumuo ng Simbang Gabi kung pahirapan ang paggising para lang makasimba. Sakripisyo ba talaga.
Sa flat na kanilang tinitirahan sa ibang bansa, maggagayak pa rin sila ng mga Christmas decorations kahit pa gaano ito ka-trying hard tingnan, kahit hindi magkakatugma. Pipiliting magkaroon ng Christmas tree kahit pa sobrang liit nito para sa kanilang maliit ding flat na inuuwian.
Pagsapit ng bisperas ng Pasko, magsasama-sama ang mga Filipino sa isang lugar para sa kanilang Christmas party. Hanggat maaari ay Pinoy food ang handa nila. Pinoy-style spaghetti syempre. Sobrang lungkot naman ata nun kung sasalubungin mo ang Pasko na nag-iisa at malayo sa pamilya kaya kahit ano pa mang mangyari, kailangang magsasama sa Dec. 24 ng gabi. Strength in numbers, ika nga. Magsasaya talaga sila para itago ang lungkot na nararamdaman, ang pagiging homesick. Pero gaano man kasaya ang Christmas Party, kapag papalapit na ang alas-dose, isa-isa na silang mag-e-excuse, hahanap ng isang sulok na tahimik para tumawag sa pamilya nila sa Pilipinas, para marinig ang boses ng kanilang mga mahal sa buhay, sa asawa, sa mga anak, sa magulang, sa kasintahan.
“Oo dear, masaya kami dito, makukulit ang mga kasama ko…” sasabihin sa telepono, na may kahalong pilit na tawa upang huwag mahalatang tumutulo na ang luha at uhog.
Kung ating susuruin, gaano man kagarbo, gaano man kapreparado ang isang Christmas celebration sa ibang bansa, hindi pa rin nito matutumbasan ang isang Pasko sa Pilipinas. Gaano man ito kasaya, iba pa rin ang sayang nararamdaman na kapiling ang mahal sa buhay sa Pasko. Masasarap man ang pagkain at inumin, maganda ang sound system, ang decorations, masasaya man ang mga Filipinong kasama, ang mga parlor games, ang masasayang kwentuhan, kulang pa rin ang mga ito.
Wala pa rin ang mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas.