Bago pa magkaroon ng Jollibee sa Tanay, nandun na siya kung kailangan nyong dalin sa isang masarap at ispesyal na kainan ang isang mahal sa buhay, ang anak, kapatid o lola kung birthday nya.
Bago pa magkaroon ng Chowking sa Tanay, meron ng isang kainan sa Jalajala kung saan tayo nagpupunta kung nais nating maglibre sa mga kaibigan. Halo-halo, chicken sandwich, pansit, o kaya ay yung mainit na masarap na mami na papawisan ka talaga, dun tayo nagyayayaan at nagpupunta. Naiigno pa ako nuon sa kaskasan nila ng yelo para sa halo-halo kasi kakaiba siya sa karaniwang nakikita ko sa mga pondahan ng halo-halo sa mga kanto. Isa siyang aparato na umiikot at otomatik na nakakaskas ang yelo. Banggaling aba.
Birthday mo? Kasalan? Kailangan mo ng cake? Bago pa magkaroon ng Goldilocks at Red Ribbon sa Tanay, dun na tayo nagpapa-order ng cake na may porcelein figure sa ibabaw, imahe ng kinasal na nakakatawa ang itsurang di mukhang tao, kung si Superman man o si Batman ang gusto ng anak mo sa birthday cake nya, pwede. Yun nga lang, makikilala mo ang sila sa “S” o batsign sa kanilang dibdib.
Bago pa magkaron ng ibang kainan, sa Jalajala man o sa mga karatig na lugar, iisa lang ang pinupuntahan ng mga taga banko o munisipyo kung gusto nilang magmiryenda.
Saan pa? Eh di sa Ponsa.
Oo, maaaring tama ang sinasabi ng iba na parang masungit ang nagtitinda dun pero ang di natin maikakaila, hanggang ngayon ay buhay pa ang business nila. Sila na ata ang longest-running business sa Jalajala dahil elementary pa lang ako, nandun na sila. Ilang mayors na ang dumaan sa munisipyo, mas matatag pa din ang Ponsa.
Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman ganun kasarap ang mga pagkain pero sigurado ako na sasang-ayon kayo kapag sinabi kong special ang pakiramdam habang kumakain tayo sa Ponsa, di ba. Bakit kaya? (writer's note: may nang-aaway sa akin. Masarap daw ang pagkain sa Ponsa. Consistent ang lasa kaya kapag nag-crave ka daw at nag-Ponsa, makukuha mo yung hinahanap mo. Ayos daw sa panlasa, mura pa. Okay, okay hehehe wala naman ako sinabi na di masarap. Sabi ko hindi special ang sarap, unlike yung siomai sa Saisaki, yun talaga ang masarap na special hehehe)
Oo nga pala, bago pa umalis ang nanay ko, nandun na ang Ponsa. Dun niya ako dinadala dati kapag birthday ko.
Birthday ko ngayon.
4 comments:
Tara kain tayo! Mami tapos halo-halo hehe, & makapuno cake yum yum!
masungit tlg mga tga ponsa cgro kxe matatandang dlga sila..:) buti nlang msarap halo2 nila,:)
hapibday pao!:D
over price halo-halo.. but i do like the macapuno cake..
ang tanong... bakit "ponsa" ang pangalan ng kainan?
hmmmmm...
Post a Comment