Pero bago yun, eto muna…
“Nangyari ito nuong 1970’s. Bagong dating lang nun sa Jalajala Elementary School ang isang maganda at bagong graduate na titser. Taga Maynila siya at nakikitira muna sa isang co-titser malapit sa munisipyo. Magaling magturo at mabait ang bagong titser na ito kaya maraming taga-Jalajala ang kinagigiliwan ang dalaga. Bagama’t maraming tagabayan ang nanliligaw dito, trabaho lamang at ang mga batang tinuturuan niya ang kanyang pinagbubuhusan ng pansin. Ang sabi ng iba, mayroon na daw kasi itong pinaglalaanan ng kanyang puso.
Isang araw, hindi sumipot ang titser sa kanyang klase. Nakapagtataka ito dahil siya ang maaga laging pumapasok at isa sa mga huling titser na umuuwi. Hindi rin siya uma-absent sa klase. Bago matapos ang araw, nagkagulo ang mga tao sa elementary school dahil natagpuan din ang dalagang titser. Patay ito! May mga nagsasabing ginahasa muna bago pinagsasaksak. Nangyari ito sa H.E. room sa elementary school. Hindi nahuli ang salarin at nanatiling hindi nabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay. Simula nuon, kinatatakutan na ang lugar na iyon. Maraming di maipaliwanag na mga pangyayaring naganap at naranasan ang mga tao sa Elementary.”
Ang totoo niyan, walang nakakaalam kung ano nga bang nangyari o ang istorya sa likod ng mga pangyayari sa H.E. Ang alam lang ng karamihan, may mga ispiritong di natatahimik sa loob ng mga dingding na iyon. Kung sa elementary school ka nag-aral, malamang ay alam mo ang sinasabi ko.
Ang H.E., actually, ay isang maliit na bahay, may living room na nagiging receiving room kapag may bisita ang iskwelahan, dining room na minsan ay nagiging classroom, toilet at isang bedroom cum taguan ng mga utensils at linen na ginagamit kapag may bisita. Walang karaniwang nagka-klase dun. Malapit ang H.E. sa kwarto ng grade 6 na tinuturuan ni Mrs. Gellido at sa may canteen. Sinasabing may white lady daw dun o kaya naman ay mga tyanak. May kung anu-anong ispirito daw ang nakikita o nararamdaman sa loob kaya ito’y tunay na kinatatakutan ng mga mag-aral na naaatasang maglinis sa loob. Oo, nung nag-aaral pa ako sa elementary, naranasan ko na ring maglinis dun at matakot. Nung mamatay ang gurong si Mrs. Manimtim, sinasabing may batang nakakita daw sa kaluluwa nito sa HE at sa canteen.
May iba-ibang nakakatakot o di maipaliwanag na kwento ang mga tao sa H.E. room at malamang ay narinig mo na rin yun kaya di ko na babanggitin dito. Bagama’t ako mismo’y walang nakitang kakaiba sa mga panahong nandun ako, ang masasabi ko lang ay kakaiba ang pakiramdam sa loob. Ganun naman ata sa mga bahayan na walang nakatira, ang pakiramdam natin ay ibang mga entity na ang namamahay dun. Parang may anino o taong nakatayo sa gilid ng iyong paningin. Isang beses naman na naglilinis kami nun ng banyo, sumigaw ang kaklase kong babae dahil may maliit na bata daw na biglang tumakbo sa likuran niya at nagtungo sa kwarto. Syempre, wala kaming nakitang bata nun.
Subalit kagabi nga, iba ang aking nakita. Pagtingin ko sa bintana, para akong namamalikmata na wala akong nakita, kahit na bintana. Madilim lang siya. Kahit mga pader ay di ko makita. HOLISHITNAMALAGKIT Batman! Wala na ang H.E. room! Giniba na iyon. Wala na rin ang mga punong nakapaligid dito. Di ko alam kung anong ipapalit dun o kung bakit giniba.
Ang panalangin ko na lamang ay sana, kinuhanan nila iyon ng mga litrato bago gibain dahil parte na rin ng history ng elementary school, parte na rin ng history ng bayan ng Jalajala ang haunted H.E. room.
Ikaw, anong karanasan mo sa H.E.?