Wag nyong sabihing maaga pa para bumati ng isang maligayang pasko dahil bukas ay September na, simula na ng “ber” months. Ilang tulog na lang ay December na. Naalala ko din ang pasko dahil malamig ang panahon nitong mga nagdaang araw, lalo na sa madaling araw. “Malamig” + “madaling araw” = Simbang Gabi!
Alam nyo ba na ang Simbang Gabi o “Misa de Gallo” ay unique sa bansa natin? Nagsimula ito nung about 1660, kung kailan bago pa lang nagkakaugat ang kristyanismo sa Pilipinas. Para sa paghahanda sa nalalapit na kapanganakan ni Jesus, nagmimisa ang mga misyonaryong prayle nuon ng siyam na sunod-sunod na araw para ipunla sa isip ng mga naunang Filipino ang kahalagahan ng Pasko. Nagsisimula ito ng Dec. 16 hanggang 24, bisperas ng pasko. Bakit naman sa madaling araw pa? Ang mga Filipino kasi ay mga magsasaka at karaniwang bago sumikat ang araw ay nasa bukirin na sila. Kaya alas kuwatro pa lang ng madaling araw, pagtilaok ng manok, nagmimisa na sila at matatapos ng alas singko, oras ng pagpunta sa bukid. Ang “gallo” nga pala ay spanish word ng tandang (lalaking manok).
Mahirap gumising ng madaling araw lalo na kapag malamig ang panahon at masarap matulog. Siguro kaya nagbigay ng palugit ang lokal na simbahan natin at sinisimulan ang misa ng 4:30 am. Maglilibot sandali ang banda natin bago magsimula ang misa para manggising ng mga magsisimba, tugtog ang mga Christmas tunes. Sinasabing kapag nabuo mo ang siyam na simbang gabi, matutupad daw ang iyong hinihiling kaya kahit nga mahirap gawin ito, maraming taga Jalajala ang pinipilit pa ring makabuo ng Simbang Gabi, lalo na ang mga kabataan.
Maliban sa “wish ko lang” incentive na ito, may isa pang dahilan kaya wiling-wili ang mga kabataang magsimba. Simbang-ligaw kasi ang kanilang ginagawa. Okay sa olrayt lang naman siguro yun dahil ini-enjoy lang din naman nila ang kanilang kabataan. Sino ba sa atin ang hindi dumaan dun.
Pagkatapos ng simba, ang mga pamilya ay uuwi na pero bibili muna syempre ng puto at sopas na may libreng mainit na tsaa. Natatandaan ko nuon, sa Tiyang Ely Gonzales bumibili ng puto at sopas. Ang iba naman, lalo na ang mga tagabayan ay sa Tiyang Bening Alcantara. Siksikan talaga kapag bibili ka na pagkatapos ng misa. Nakakahiya namang bumili na agad bago pa magsimba. Kapag nakabili na, uwi na ang mga pamilya para mag-agahan ng biniling puto at sopas. Eh nasaan ang mga kabataan?
Aba’y hayung ah, mga nagjo-jogging. Oo, magjo-jogging suot ang mga pansimba nilang damit. Diretso na, wala ng uwian. Sayang kasi ang oras kapag nagbihis pa o kaya ay baka hindi na palabasin ng bahay. Hindi rin masasabing mga health conscious sila dahil hindi rin naman jogging talaga ang habol nila. Jogging-ligaw din hahaha Sayang nga naman ang mga sandaling makasama pa ang mga crushes habang tumatakbo mula simbahan papuntang tulay sa highway malapit sa hospital. Yung ibang “Dalagang-Filipina” effect ay tumatalikod pa kapag may makakasalubong silang jeep habang tumatakbo sa highway. Nahihiya kasing masinagan sila ng headlight ng sasakyan at makilala habang kinikilig na kasabay ang crush.
Hindi ko nga lang matandaan kung may nabuo akong Simbang Gabi. Maaaring meron o maaari ding mas nanaig sa akin ang matulog na lang. Pero ito ang sigurado ko; masarap ang puto lalo na pagkasimba.