Sunday, October 14, 2007

pagkalinawan

Kampanaryo” ang dating tawag sa Brgy. Pagkalinawan. Hindi ko alam kung bakit pero sigurado akong yun ang dating tawag sa barangay na ito. Taga Pagkalinawan kasi ang lolo ko at nagbabakasyon kami dun nung bata pa kami. Natatandaan ko pa, wala pang kuryente nuon sa Kampanaryo. Lubak-lubak pa din ang daan dahil hindi pa ito inaayos ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Natatandaan ko pa, may ilang pagkakataon na bangka ang sinakyan namin papuntang Pagkalinawan mula sa pantalan dito sa bayan.

Alam ko ang iniisip nyo, “ang tanda na ni Pao pero cute pa rin…”

Oo, cute ako pero di naman ako ganun katanda. Kailan lang din naman naayos ang highway papunta sa mga baryo. Kailan lang din nagkaroon ng kuryente. 80’s, di ba? Bata pa ako nung 1980’s.

Masarap nuon sa Pagkalinawan. Malinis ang tubig sa dagat at buhangin ang ilalim nito, hindi katulad sa bayan na burak. Bago pa uminit ang araw sa umaga, nagtatakbuhan na kami papuntang dagat para maligo. Magbabanlaw naman kami sa poso na mainit ang tubig dahil daw sa bulkan ng Jalajala. Pagdating naman ng hapon, kung hindi kami naglalaro ng habulan, nagpapalipad kami ng saranggola. Malakas kasi ang hangin sa baybaying dagat. Kadalasan din, nilalakad namin ang “beach” hanggang sa hindi na namin makita ang bahay ng lolo ko na nasa tabing dagat din. Kapag di na namin nakikita, natatakot na kami at maglalakad ng pabalik. I think malapit na kami nun sa Lubo at Naglabas.

Mababait din ang mga tubong taga-Pagkalinawan. Puntong Batanguenyo sila, malamang ay dun nanggaling ang kanilang mga ninuno. Natutuwa sila nuon kapag nakikita nila kaming magkakapatid na nandun. “Ay ala, nandine pala ang mga apo ni Ka Benny ey… Parine muna kayo’t makakaeyn!”

May mga alagang itek ang lolo ko nuon at natatandaan ko, maaga kaming gumigising upang mamulot ng mga itlog ng itek na nasa lupa. May program din duon ang UP Los Banos kung saan nag-aalaga sila ng mga baka. Tuwing gabi, pagkagat ng dilim at nagbubukasan na ang mga gasera, kukuha ng gatas ng baka ang mga naging kaibigan naming mga taga-UP at iinom kami ng mainit-init pang gatas habang nakapalibot sa isang bonfire at makikinig sa mga kwento nila. Kitang-kita mo ang mga bituin sa langit, maging ang mga ilaw galing sa kabilang ibayo ng Lawa, sa mga bayan ng Laguna.

Paborito kong puntahan ang maliit na kapilya ng Pagkalinawan. Mula kasi sa lubak-lubak na kalsada, aakyat ka pa sa maraming baytang para marating ang kapilya. Pataas na lupa kasi iyon at nasa tuktok ang kapilya. Kung hindi ako nagkakamali, San Isidro ang patron nila dun. Mula sa kapilya, kitang-kita mo ang dagat at karamihan ng mga bahayan.

Marami akong “firsts” habang nagbabakasyon nuon sa Pagkalinawan. Dito ako first natutong magbisikleta. Dito rin ako first nakasakay ng baka at nahulog dahil mahirap sumakay sa baka, gumagalaw kasi ang “loose skin” nila. Sa Pagkalinawan din ako first nakatikim ng Chili Con Carne, sa fiesta nila. Dito rin ako unang nagkaron ng bulutong.

Simula nung mamatay ang lolo ko, bihira na kaming nakakabalik ng Pagkalinawan. Nandun pa rin ang iba naming kakilala pero marami na ring bagong mukha. Marami ng bahay ang bago, di na ganun kalinis ang tabing-dagat. Wala na ang itikan ng lolo ko, wala na rin ang bakahan n mga taga-UP.

Pero ang halos di nag-iba ay ang kapilya nila.

Tuwing inaakyat ko ang tuktok sa kapilya, bumabalik sa aking alaala ang mga panahong inilagi ko nuon dun. Nung ako’y bata pa.

5 comments:

Anonymous said...

tawag namin sa lolo is Lee Majors, kasi nung bata-bata pa sya kamukha sya ni 1M dollar man.

one time, my sister and i rode my small scooter para mag swimming lang sandali sa pagkalinawan. balik din kami ng hapon. buti na lang hindi kami tinirik ng scooter.

bumalik ako sa pagkalinawan a couple of years ago. naka kotse na kami. pinakagilid-gilid ng husband ko ang pag pa-park sa kotse sa looban. kasi daw maliit lang kalsada baka pag may dumaan na sasakyan, hindi kumasya. sabi ko, "kalabaw lang nadaan dito". sure enough, 2 kalabaw lang ang dumaan.

Anonymous said...

happy childhood ah, well sarap tlgang balikan ng magagandang alaala.

hindi mo naman iniisip n child labor yun pamumulot ng itlog ng itik ha?

paolo said...

reyna, minsan may baka din, kambing at kabayo na dumadaan hehe

anonymous, hindi naman child labor hehe more like supervised play kasi parang naglalaro lang kami nun...

Anonymous said...

every time i step on the ground of pagkalinawan, it feels like i step on a warm hole and time travel back in time.. i really don't know why, it just feels like that.. it my sound weird to you all but that just how i feel.. love the fresh air except for the cow poo and what the writer said the water is sooo nice.. the chapel with the stairs, can i say "stairway to heaven" haha

paolo said...

is it me, or maraming may good memories ng kampanaryo?