Natatandaan mo pa ba ang liga ng basketball nuong 1993?
Mas mataas sa regulation 10 feet ang ring nuon na maliit sa required na 18 inches diameter. Hindi pa snap-back. Halos kasya lang ang bola sa ring kaya kailangan ay magaling ka talaga sa outside shooting para maka-shoot. Papano kung di ka magaling sa tira sa labas?? Takbuhan. Takbuhan. At takbuhan pa. Laging fast break ang laro. “Batoooo!!!” Yan ang laging sigaw ng mga players na tumatakbo pababa sa kabilang court kapag kanila na ang bola. Hindi sila mag-da-Darna at nangangailang ng mahiwagang bato. Ang ibig sabihin nito ay ibato sa kanila ang bola para maka-fast break.
Hindi pa din covered court nuon. Pinakang-ayaw na schedule ng mga teams nuon ang pang tanghaling game. Mainit kasi, sa ilalim ng nagbabagang araw ng tag-init ka maglalaro. Pero kung tutuusin, okay lang sa mga players ang init. Ang ayaw nila, halos walang nanonood sa tanghali. Walang chicks. Walang sisigaw ng “shoot Jerald, shoot!” Tapos, kung sa tanghali naka schedule ang team nyo, ibig sabihin lang nito ay baguhang team pa lang kayo, pipityugin pa lang. Wala pang mga fans dahil hindi masarap panoorin. Yun bang mga teams na naa-award-an ng Most Cooperative Team dahil kahit madami na kayong talo eh naglalaro pa din. Nakakahiya kapag nabigyan kayo ng award na Most Cooperative dahil binibigay lang ito sa mga talunan na teams. Bakit may award pang MCT? Para maengganyo ng basketball committee ang mga teams na maglaro pa rin at magbigay syempre ng pang-quota.
Ahhh, “quota”, ang paboritong word ng committee. Ang “quota” ang pinakang bayad ng mga teams na sumasali sa paliga. Dito kinukuha ng committee ang ginagastos nila sa paliga, pambayad sa mga referee, pambili ng mga trophy sa awarding at kung may matitira pa, pang-inom nila at pang-swimming pagkatapos ng liga. Hindi kailangang bayaran ng mga teams ang quota ng buo, pwedeng hulugan. Parang sa bumbay. Bawat laro, dapat ay may binibigay na pang-quota. No quota, no play ang policy. Karaniwan ay problema ng mga teams ang pang quota nila dahil hindi lahat ng players ay nagdadala ng pera. Sa kagustuhang makalaro at wag ma-default, kailangan mong ilabas ang lahat ng pera mong dala, pati yung mga itinatago mo sa loob ng brief dahil wala namang bulsa ang basketball shorts. Yun la-ang, kung wala kayong water boy, wala na din kayong pambili ng ice water dahil naipang-quota nyo na. Kailangang tiisin ang uhaw at panunuyo ng lalamunan makalaro lamang. Kung sinuswerte naman at may dalang jug ng tubig ang kalabang team, pwede namang makiinom kahit nasa kabilang teams kayo. Pwede ring uminom ng tubig sa mga poso sa likod ng munisipyo.
Hindi lang sa kawalan ng pang-quota nade-default ang isang team. Ang isa pang dahilan ang kakulangan ng players. Kailangan kasi ay may at least anim o pito kayong players. Bakit kulang? Kadalasan ay nale-late. Marami kasing players ang pa-star ba. Kailangan pang sunduin bago dumating. Ayaw nilang sila ang mauuna sa court, kailangan ay sila ang iintayin. Karaniwan mo ng maririnig ang “Asan na si (blank)?” na sasagutin nung sumundo ng “Parating na, naliligo lang”. Pagdating ni player, papa-ble na papa-ble ang arrive dahil bagong ligo, nagpabango pa at naka-gel. Parang aakyat ng ligaw. Di mo rin sila masisisi kasi baka andun ang crush nila at nanunood.
Kung ang team nyo ay isa sa mga magagaling at may karibal na team, panigurado ay karamihan ng schedule nyo ay sa hapon. Dalawa ang schedule na pang main event. Ang una ay sa hapon, mga dakong alas singko, papalubog na ang araw at naglalabasan na ang mga chicks. Ang kasunod na nito ay after dinner (dahil kakain muna ang committee) mga bandang alas otso. Ito talaga ang main event. Halos lahat ng tao sa bayan ay nanonood lalo na kung magagaling ang mga maglalabang teams, lalo na kapag championship na. Siguradong patok ang laban kapag ang isang team ay mula sa bayan at ang isa ay galing sa dunggot o Bayugo.
Oh, natatandaan mo na?
Ang tanong, anong team ang nag-champion nuong 1993? Sino din ang best muse? Rawrrrrrrrrrrrrrrrrrrr….
- picture courtesy of MS8
16 comments:
sino sino yun mga muse? at sino nga ang best muse nun? ang natatandaan ko nakipag away ang Gironiere nun.
Cnabi mopa mananakawan na nga ang bahay ng mga taga dunggot kapag me laro.. lahat kc nanonood at sobra kung mangantiyaw... gusto ko panoorin lagi maglaro c bernabE, san ba team yun?, yun magaling na maitim? heheheh at syempre aking papa bhong taong 1997 ata yun at ke papa angel taong 2002 ata.. hehehehehe...
si jonjon bernabe un sharlyn, un ka team mate namin, pero mas pogi ako dun hahahaha inde nio lang ako napapansin nun kasi assistant coach ako puro utak lang ako wala akong physical ^^ kaya nasa bench lang at nagbibigay lang ng game plan at strategy ^^
yun muse from left to right, mitch estrellado, bernadette, grace cal, dko kilala yun diga dalig, yun muse ng geroniere si grace DVega, yun baka red si lisa anago, best muse yun muse ng geroniere. best uniform yun jbhad, kahit na parang binili sa divisoria, yun short ay may chicago bulls pa hehe, parepareho kasing black shoes ang suot nila,d ko matandaan kung natuloy ang ligang ito.kung natuloy man malamang yun biga allstar ang nanalo.laging naman sila ang madalas magchampion,isa palang nakatalo sa kanila , yun nag best uniform lang.mga year 2002.hehe.
dharlyn, masama loob ko sa mga taga dunggot? bakit? sunda sa mga susunod na posts, sasabihin ko kung bakit. yan, intriga na hehe
jbhad, hindi rin nyahahaha sio nga yung member nyo na nakita ko dati yung jbhad short, "andrew e" ang name na nakalagay sa kanya?
anonymous, nagtataka din ako sa chicago bulls na nakasulat na yun. alam ko walang green na uniform ang bulls. baka naman di sila nagkaintindihan ng nagtahi. baka sabi ng jbhad, lagyan ng chicago bulls, ibig sabihin yung bull na logo. e baka akala ng nagtahi eh pangalan ang itatahi kaya ayun hahahaha
bakit naman masama loob mo? so ibig sbihin galit karin skin?
asus wag mo intindihen si pao, pampam lang yan hahaha ^^
jbhad, HEH! ang sagutin mo ay kung sino yun member nyong may "Andrew E" sa shorts nun. at bakit nga naman may nakasulat na chicago bulls sa short nyo? nyahahaha
un chicago bulls ind ko alam un ewan ko b kung bakit ganun ang design nun'
un may andrew E? eh di ELat.. idol nia un eh nung HS kasi dancer ang JBHAD nung HS ayun naging idol nia si andrew E. wahahaha ^^
ayun, yun lang ang iniintay kong aminin hahaha
wahaahaha lolz ^^
the muse of JJ are the best. can i say yummy to them without being naughty and develish at the sametime?.. NOT! all agree ahaha
after the parade time to do home, to a guys perspective (me) who wanna watch 10 guys sweating it out fighting for an orange ball..
player 1- may ball(s)
palyer 2- no its my ball(s)
referee- you two jump ball(s)
and when its out of bound, eewww~ nobody would touch it like its their grandfathers ball(s)..
someone, sa balyahan at physical na larong basketball, talagang it takes a lot of balls for guys who wanna play the sport hehe pero bakit kaya yun mga player, mahilig tumapik sa puwit ng teammate nila kapag may magandang play na ginawa? hmmmmmm....
sino nga ang mayor nung 1993?
kung hindi ako nagkakamali eh ang wally dela vega ang mayor nung 1993. yun ata ang huling taon nyang nanungkulan.
correction lang po, ang best muse dyan sa picture si bernadette, not grace dv, kasi di sya kasali sa pinagpilian, waived as usual kasi mayor tatay nya that time. pero she represented jalajala during intertown league, followed by either hijrah or karen, goes to show lahi talaga sila ng magaganda
Post a Comment